200K MARALITANG PINOY, NAKINABANG SA PCUP RELIEF OPS

TULOY tuloy ang adhikain ng Presidential Commission for the Urban Poor na makatulong sa mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga relief assistance, food packs at ready-to-eat meals sa mga kababa­yang lubos na nanga­ngailangan.

Ayon sa kasaluku­yang datos ng Komis­yon, umabot na sa halos 200,000 ang naging benepisyaryo ng relief operations nito na may layuning pansamantalang masuportahan ang mga urban poor sa aspeto ng pagkain at kalusugan.

Ani PCUP Chaiperson at CEO Usec. Alvin S. Feliciano, “Plano ng Komisyon na mas ma­dagdagan pa ang benepisyaryo ng  mga relief operations dahil na rin mas kinakailangan ng mga tao—partikular ng mga maralitang tagalungsod, ang tulong mula sa gob­yerno at iba pang ahensiya”.

Parte ng relief ope­rations nito ang programang Food Caravan  na nakatuon sa pagpapalaganap ng food security na isang isyung nararanasan ng mga Pilipino lalo na sa panahon ng pandemya.

Naging matagumpay ang nasabing relief ope­rations ng PCUP dahil na rin sa tulong ng iba’t ibang ahensiya ng gob­yerno maging ang mga pribadong sektor tulad  ng DSWD, PAGCOR, PCSO,  Department of Agriculture, Jollibee Group Foundation, Frabelle Foods, Rebisco, at marami pang iba.

Naghandog din ng mga food packs na may lamang bigas, canned goods, mga ready-to-eat meals at masusustansiyang gulay na akma sa pangangailangan ng mga urban poor.

Dagdag pa ni Usec. Feliciano, “Sa panahong nababalot ang bansa ng pangamba dulot ng pandemya at kalamidad, makakaasa ang taumbayan, lalo’t higit ang maralita, na aagapay ang PCUP sa lahat ng oras at panahon.”

Samantala, ibayong pag-iingat naman at palagiang pagsunod sa mga standard health protocols ang paalala ni Usec. Feliciano sa lahat para makaiwas sa COVID-19 virus. BENJIE GOMEZ