200K PINOY MADE-DEPORT, PINAS PINAKIKILOS NA

INIHAYAG ni Senator Imee Marcos na dapat umaaksiyon na ang Pilipinas para i-secure ang mga kababayan nating Pilipino na nahaharap sa deportasyon matapos ang pagkahalal kay  US President Do­nald Trump kamakailan.

Nasa mahigit 200,000 undocumented Filipinos ang nanganganib sa mass deportation.

Dahil dito hiniling ni Marcos na palawigin ang reintegration programs tulad ng skills training, livelihood support at direct assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA).

Hinimok ni Marcos, Senate Committee on Fo­reign Relations chair, ang gobyerno na palakasin pa ang pagprotekta sa hindi dokumentadong mga Pilipino sa Amerika.

Samantala, naghahanda na ang migrant support groups sa pagpapatupad ng mass deportation.

Ayon kay Immigration Attorney Camille Mackler,  kasama niya ang 80 legal service providers sa estado ng New York na nakahanda para ipagtanggol ang  karapatan ng mga immigrant.

Inaasahan din  na mag­kakaroon ng mas malaking mga drag net operations para mapauwi ang mga illegal migrants.