INIHAYAG ng lokal na pamahalaan ng Pasay na 14 sa 201 barangays sa lungsod ay isinailalim sa pagiging kritikal na area simula Hulyo 8 hanggang Hulyo 22 dahil na rin sa pagdami ng mga residente na nahawahan ng coronavirus disease (COVID-19).
Iniutos ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang pagsasailalim sa 14 na barangay bilang mga kritikal na lugar sa lungsod matapos magkaroon ng isang consultative meeting si City Administrator Dennis Acorda sa City Health Office (CHO), Public Order and Safety Unit (POSU), lokal na pulisya at sa mga opisyales ng barangay.
Kabilang sa naiulat na 14 barangay sa lungsod ay ang nangunguna sa listahan na Barangay 144 na may 39 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 na sinundan ng Barangay 183 na may 35 habang ang Barangay 193 naman ang pumangatlo na may bilang na 32.
Ang Barangay 169 ang pumang-apat sa listahan na may 25 at pumanglima naman ang Barangay 184 na may 22 na sinundan ng Barangay 37 na may bilang na 17.
Ang Barangay 14 at 190 ay parehong nagtala ng tig-16 na kaso ng COVID-19 samantalang nasa ikawalong puwesto naman ang Barangay 42 na may bilang na 13.
Pare-pareho namang may bilang na tig-11 kaso ng COVID-19 ang mga Barangay ng 34, 46 at 106 samantalang mayroon namang 10 kumpirmadong kaso ng naturang virus ang Barangay 171.
Base sa huling datos ng CHO, ang lungsod ay nakapagtala ng kabuuang 1129 kumpirmadong kaso ng COVID-19 habang 44 naman ang namatay na sa naturang virus. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.