201 BRGYS SA PASAY APEKTADO NG COVID-19

INIHAYAG ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na kontaminado na COVID-19 ang 201 barangay sa lungsod.

Sinabi ng CESU na kanilang dinodoble ngayon ang pagsasagawa ng contact tracing ng mga indibidwal na maaaring nahawahan ng COVID-19.

Sa COVID-19 update ng City Health Office (CHO) hanggang Enero 10 mula sa Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CEDSU) ay nakapagtala ng ang lungsod ng 2,404 aktibong kaso kabilang na dito ang 338 na bagong kaso sa kabuuang 24,728 kumpirmadong kaso ng CO­VID-19.

Umabot naman sa 21,765 pasyente ang mga gumaling sa CO­VID-19 kabilang na ang 80 bagong naka-recover o may katumbas na 88.02 porsiyentong recovery rate.

Sa kabuuang 201 barangay sa lungsod na nakapagtala ng may mga aktibong kaso ng CO­VID-19,ang 64 na barangays na kasalukuyang nakapailalim sa granular lockdown o local enhanced community qua­rantine (LECQ).

Base sa report ni CESU head Miko Llorca, sa 64 barangay na isinailalim sa granular lockdown ay ang 829 kabahayan na nasasakupan nito.

Sinabi ni Llorca na nakikiusap sa mga residente ang lokal na pamahalaan ng buong kooperasyon upang mapigilan ang pag-akyat pa ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa tulong ng lokal na pulisya at mga opisyal ng barangay ay patuloy ang pagmo-monitor sa mga kilos ng mga indibidwal sa komunidad na nasa LECQ.

Kasabay nito, inatasan naman si city police chief Col. Cesar Paday-os na mahigpit na ipatupad ang implementasyon ng pagbabawal sa paglabas ng mga hindi pa bakunadong indibidwal sa kanilang mga bahay.

Samantala, ang 10 barangay na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa lungsod ay pinangunahan ng Barangay 183 na nakapagtala ng mataas na bilang na 322 aktibong kaso na sinundan ng Barangay 201 na mayroon namang 163 kaso; Barangay 113, 78 kaso; Barangay 184, 63 kaso; Barangay 76, 42 kaso; mga barangay ng 14 at 185 na nakapagtala ng tig-41 kaso; Barangay 44, 34 kaso; Barangay 192, 31 at ng Barangay 194 na mayroong 26 aktibong kaso ng virus. MARIVIC FERNANDEZ