NATANGGAP na ng 201,398 pulis ang kanilang Performance-Based Bonus (PBB-FY 2019) nitong Biyernes, Pebrero 4.
Ito ay nang ianunsyo ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos ang P3.2 bilyon para sa Performance-Based Bonus (PBB-FY 2019) ng kanilang mga tauhan.
Sa ulat na natanggap ni Carlos mula kay PNP Finance Service Director BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang Performance – Based Bonus 2019 ay ipinasok na sa payroll accounts ng PNP personnel sa Landbank of the Philippines at maaari nang i-withdraw gamit ang ATM simula Pebrero 4.
Ang pagbibigay ng PBB FY 2019 ay alinsunod sa mga panuntunan sa Fiscal Directive No. 2022 – 01 entitled o ang “Grant of Performance – Based Bonus for FY 2019 to Eligible PNP Personnel” na ipinatutupad sa lahat ng qualified PNP uniformed at Non-uniformed personnel.
Paglilinaw naman ni Carlos na mayroong 8% tax ang PB 2019 at iba pang bonus alinsunod sa DBM Circular 2019 – 01 sa ilalim ng Executive Order No. 80, series(s) 2012 at Executive Order No. 201, s. 2016 na may petsang Setyembre 3, 2019.
Gayunpaman, ang mga pulis at iba pang tauhan ng PNP na guilty sa administrative and/or criminal cases sa final and executory judgement sa FY 2019, ay hindi kasama sa PBB. EUNICE CELARIO