MAYNILA – NANINDIGAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) na lahat ng pondo ng kagawaran ay ginagamit sa tamang proseso na nakapaloob sa Consolidated Annual Audit Report (CAAR) na inisyu ng Commission on Audit (COA).
Kasabay nito, nilinaw rin ng DOLE na hindi nito inakusahan ang sinumang miyembro ng Kongreso ng ‘grandstanding’ kasabay ng pagnanais ng ilang kinatawan ng kaliwanagan kaugnay sa paggamit sa pondo nito noong taong 2017 sa ginanap na budget hearing noong nakaraang buwan.
Nagpahayag ng kanilang saloobin ang ilang kongresista kaugnay sa P1.9 billion o 75 porsiyentong pondo ng kagawaran na ginamit para sa administrative cost habang 25 porsiyento lamang ang inilaan para sa mga programa at proyekto para sa mga benepisyaryo.
Paliwanag ni DOLE Financial and Management Service (FMS) Director Warren Miclat, maaaring ang tinutukoy lamang ng mga kongresista ay ang ‘matrix per item 1.4, page 68 of the CAAR,’ na nagsasaad ng 25 porsiyento lamang ng pondo ay inilaan para sa implementasyon ng mga programa habang ang 75 porsiyento ay para sa ‘administrative cost,’ na nakasaad sa ulat ng ‘Notice of Transfer of Allocation.’
Tinutukoy ng COA ang ‘Notice of Transfer of Allocation (NTA)’ o ang halaga ng siyang ibinahagi para sa mga regional offices.
Samantala, inilabas naman ng DOLE sa publiko ang tala ng paggamit ng pondo nito para sa taong 2017, kung saan P2.458 billion ay inilaan para sa implementasyon ng mga proyekto at programa tulad ng Government Internship Program (GIP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD), JobStart, K to 12 DOLE Adjustment Measures Program at iba pang livelihood program na may layong mabigyang tulong ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya.
Sa kabilang dako, P111.2 milyon ang inilaan para sa ‘administrative cost’ ng kagawaran, kabilang ang iba pang gastusin para sa pagpapatakbo ng operasyon nito. PAUL ROLDAN
Comments are closed.