2018 NEWS BREAKING SERIES

2018 news breaking

MAAKSIYON, makulay at naging masaya ang naging kaganapan ng katatapos na taong 2018 at ang pahayagang PILIPINO Mirror ang kabilang sa frontliner para matanggap at maipahayag ang mga balitang bumandera sa pahayagan at naging breaking news naman sa radyo, television at sa new media o sa internet.

Labinwalong breaking news ang napili ng pahayagang ito upang ibahagi sa suking mambabasa.

  1. MISS UNIVERSE FEVER

Bagaman noong Disyembre 2018 pa naganap ang pagkapanalo ni Catriona Gray bilang Miss Universe, hindi pa rin makalimutan ng Pinoy ang hatid na saya nito.

Nagbunyi ang buong bansa, maging ang mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo nang masungkit ng pambato ng Filipinas sa ika-apat na pagkakataon ang korona ng Miss Universe.

Naganap ang prestihiyosong beauty pageant sa Bangkok, Thailand noong Disyembre 17.

Mula sa siyamnapu’t apat na kandidata, nangibabaw ang talino at ganda ng 24-anyos na si Gray.

Tumatak sa mga hurado at mga manonood ang signature Lava walk ni Gray at maging sa mga kasuotan na inirampa niya sa pageant ay tiniyak niyang sumasalamin sa mayamang kultura ng Filipinas.

1969 nang unang masungkit ng Filipinas ang korona ng Miss Universe sa pamamagitan ni Gloria Diaz.

Sinundan ito ni Margie Moran noong 1973 at Pia Wurtzbach noong 2015.

  1. PACQUIO PANALO LABAN KAY MATTHYSSE; GINTO SA ASIAN GAMES NASUNGKIT NI HIDILYN DIAZ

Muling pinatunayan ni Pambansang Kamao at Senador Manny Pacquiao na siya pa rin ang hari ng lona.

Ito ay nang kanyang talunin sa “Fight of Champions” si Lucas Mattyhysse noong Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Sa ikapitong round, iginawad ni Pacman ang technical knockout laban sa Argentinian boxer.

Makaraang maagawan ng welterweight belt, nagretiro na si Mattyhysse.

Samantala, nag­dagdag din ng karangalan sa Filipinas si Airwoman First Class Hidilyn Diaz.

Ito ay nang kanyang masungkit ang unang ginto sa 2018 Asian Games.

Ang Rio Plympic silver medalist ay nagwagi sa women’s weightlifting 53 kilogram category.

Dahil isa nang gold medalist, na-promote si Diaz sa ranggong sarhento sa Philippine Air Force.

  1. P1-B JACKPOT SA LOTTO NASUNGKIT

Sa unang pagkakataon, sumampa ng bilyong piso ang jackpot prize ng grand lotto kaya naman marami sa tumatangkilik ng pa­larong ito ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pumila  at hindi naman nabigo dahil pagsapit nang Oktubre 14 ay dalawa ang nanalo na taga-Samar at Albay.

Ang pangyayari ay lalo pang nagpagana sa mga lotto bettor para tangkilin ang number game.

  1. BORACAY REHAB

Isa ring maitutu­ring na tagumpay ng gobyerno noong 2018 ay ang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay.

Pebrero nang punahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging cesspool ng isla kaya’t noong Abril ay isinailalim ito sa anim na buwang rehabilitasyon.

Bagama’t  marami ang naging ispekulasyon sa pagsasara ng isla at marami sa mga negosyante at residente ang nagsakripisyo ng kawalan ng kita, ikinatuwa naman ng mara­mi ang pagbabalik sa mala-crystal na dagat makalipas ang anim na buwang rehabilitasyon.

Ayon sa Department of Tourism, umabot sa P1 bilyon ang ginugol sa rehabilitasyon.

Naging wake up call naman ito sa gob­yerno upang pagtuunan din ng pansin ang iba pang tourist attractions.                        (Itutuloy)

ni EUNICE CALMA  (Part 1)

Comments are closed.