DARWIN, Australia – Naging multiple gold medallists sina John Lloyd Cabalo at Lora Micah Amogius para sa kani-kanilang sports makaraang madominahan ang kanilang ikatlong event sa 2019 Arafura Games.
Nakopo ni Cabalo ang men’s 4x400m gold noong Lunes, kasama sina Joviane Calixto, Romel Bautista, at Reymark Godoy sa bilis na three minutes, 29.11 seconds, upang mamayani laban sa kanilang teammates na sina Al-Nhaquiev Sappari, Nicko Caparoso, Jason Buenacosa, at Norman Carl Luardo (3:32.12).
Nakuha rin ni Amogius ang kanyang ikatlong gold noong Linggo ng gabi nang makipagtambalan kina Erika Lois Suelan, Zoe-marie Hilario, at Krisha Joanna Apin sa women’s 13-14 400m individual medley sa oras na 4:42.42, halos siyam na segundo ang angat kay silver medalist Northern Territory.
Ang 18-anyos na si Cabalo ng Puerto Princesa ay unang nagwagi sa 400m at 4x100m relay, habang inangkin ng 13-year-old na si Amogius ng Davao City ang 100m backstroke at 200m individual medley golds noong Sabado upang bigyan ang Filipinas ng mainit na simula sa kampanya nito na suportado ng Philippine Sports Commission at ng Standard Insurance.
Sa athletics ay nakuha rin ni Romel Bautista ang gold sa men’s 400m hurdles sa oras na 1:03.16. Naka-sweep din ang Filipinas sa 4x400m nang kunin ng women’s team nina May Therese Gula, Abegail Manzano, Jessel Lumapas, at Ara Delotavo ang gold sa oras na 4:37.10.
Nagwagi ang mga Pinoy tanker ng limang gold medals noong Linggo kung saan naitala ni John Paul Elises ang bagong Arafura Games record sa 15-16 men’s 100m butterfly sa oras na 1:00.11. Binura niya ang naunang marka na 1:00.33 na naiposte ni Ross Pearce noong 2001.
Nanalo rin sina Joshua Del Rio (men’s 15-16 200m breaststroke), Fritz Jun Rodriguez (men’s 17 at over 100m butterfly), at Apin (800m freestyle) ng golds sa swimming.
Kinuha ni Mark Anthony Casenas ang kanyang ikalawang gold noong Linggo nang madominahan ang men’s long jump, ha-bang inangkin nina Franz Gala Bintad at Eliza Coyum ang men’s javelin throw at women’s 100m hurdles, ayon sa pagkakasunod.
Sa muay, nabigo si Jenelyn Olsim sa kanyang semifinal bout laban kay Y.S. ng Australia upang magkasya sa bronze sa women’s female elite -54kg.
Comments are closed.