TINIYAK kahapon ng Malacañang na walang pork barrel na nakapaloob sa panukalang P3.757 trillion na national budget para sa susunod na taon.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, hindi totoong may ‘pork’ na isiningit sa budget dahil ayaw na ayaw ito ni Pangulong Duterte.
Inihayag ito ng Palasyo bunga ng pagtatalo ng ilang mga kongresista sa sinasabing P55 billion na insertions sa loob ng proposed national budget.
Nauwi sa sigawan ang pagtatalo sa Kamara makaraang pumalag si House Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles dahil gusto umanong ipaalis ni Majority Leader Rolando Andaya ang P55 billion na ‘pork’ na isiningit sa budget.
Nilinaw ni Nograles na gagamitin ang nasabing pondo sa ilang proyekto ng Malacañang.
Ipinaliwanag din ng economic managers ng Pangulong Duterte sa mga kongresista na walang ‘pork’ ang panukalang budget at ito ay aprubado ng Pangulo.
Naunang inihayag ni Senador Ping Lacson na nakita niyang may insertions sa 2019 budget kaya hindi niya palulusutin oras na tumuntong sa Mataas na Kapulungan ang talakayan sa national budget.
Comments are closed.