SA NAKATAKDANG pagsisimula ng pagpapatupad ng National ID System, hinimok kahapon ni House Appropriations Committee Chair Rep. Karlo ‘Ang Probinsiyano’ Nograles ang Philippine Statistics Authority (PSA) na isama sa mga mauunang makikinabang sa nasabing batas ang mga magtatapos sa kolehiyo sa susunod na taon upang matulungan sila sa transisyon bilang pinakabagong kasapi ng sektor ng mga manggagawa.
“Inaasahan nating aabot sa 700,000 mga estudyante ang magtatapos sa susunod na taon, at ang pagkakaroon nila ng National ID ay pagpapadali sa proseso ng kanilang aplikasyon sa trabaho at pagpasok sa produktibong bahagi ng lipunan,” pahayag ng mambabatas mula Davao.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), na siyang pangunahing ahensiya sa pagpapatupad ng National ID, nakatakdang matapos ang pagbabalangkas sa implementing rules and regulations nito sa Oktubre, at agad ding sisimulan ang produksiyon at pamamahagi nito.
Sa kasalukuyan, mauunang bigyan ng National ID ang mga mahihirap na pamilya, senior citizens, at mga may kapansanan, na siya ring pangunahing mga benipisyaryo ng social services ng gobyerno.
Itinutulak ni Nograles na ang mga magtatapos sa susunod na taon ay isali na sa mga nakatakdang unang bibigyan ng National ID dahil ito ay magpapabilis sa kanilang aplikasyon sa (1) mga serbisyo at benipisyong ibinibigay ng GSIS, SSS, Philhealth, Pag-IBIG Fund at iba pang mga ahensiya; (2) passport, lisensiya sa pagmamaneho at Tax Identification Number; at (3) iba pang transaksiyon kaugnay sa trabaho, pagbubukas ng account sa bangko at iba pang mga transaksiyon sa bangko at iba pang institusyong pananalapi.
“Madugo ang transisyon mula sa pagiging isang estudyante patungo sa pagiging isang obrero. Napakahirap ang maempleyo sa isang magandang trabaho para sa mga kabataang katatapos pa lamang sa kolehiyo, kaya ako ay naniniwala na pakikinabangan nila nang husto kung kabalikat nila ang gobyerno sa pagsisimula ng kanilang bagong buhay bilang mga produktibong mamamayan ng ating bansa,” pagbibigay-diin pa ng mambabatas mula Mindanao.
Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Identification System Act, na mas kilala bilang National ID System, noong Agosto. Itinatatag nito ang nag-iisang opisyal na pagkakakilanlan o identification card para sa lahat ng mamamayan at iniuugnay nito sa iisang ID Card ang lahat ng ID na iniisyu ng gobyerno, at inaasahan na ang pagsasakatuparan nito ay magpapabilis at magsasaayos sa pamamahagi ng serbisyong panlipunan ng pamahalaan.
Para sa kasalukuyang taon, P2 bilyon ang nakalaan sa PSA para sa implementasyon ng national ID system sa ilalim ng General Appropriations Act, samantalang may nakalaan ding P2.1 bilyon sa panukalang 2019 National Expenditure Program upang siguruhin ang lubusang pagsasakatuparan ng nasabing batas.
Ang National ID system ay kapapalooban ng 13 pangunahing impormasyon. Ang mga ito ay ang PhilSys number, ang buong pangalan, kasarian, blood type, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, marital status, at larawan ng inisyuhang indibidwal. Ang mga karagdagang impormasyon maliban sa mga nabanggit ay imbak sa PhilSys registry, kagaya ng mobile number, email address, at biometrics data, maging ang fingerprints at iris scan ng indibidwal na cardholder.
“’Wag nating bigyan pa ng dagdag na trabaho ang mga batang gustong magtrabaho. Magiging malaking tulong sa kanila ang National ID, at sa tingin ko dapat silang isama sa mga unang makatatanggap nito.”
Comments are closed.