2019 NIYOGYUGAN FESTIVAL TAGUMPAY

NIYOGYUGAN FESTIVAL-6

(ni EUNICE CALMA)

“THE purpose has been served.”

Ito ang mistulang mensahe ng lokal na pamahalaan ng Quezon sa matagumpay na Niyogyugan Festival.

Mataas ang spirit ng mga taga-Quezon dahil muli nilang naipamalas sa mundo na kaya nilang magdiwang gamit ang kanilang pangunahing produkto na niyog sa pamamagitan ng iba’t ibang likha.

Mula sa pagkain, adorno at kagamitan ay naipakita ng 39 bayan at dalawang siyudad ng Quezon ang pinaggagamitan ng niyog na tinawag na “tree of life”.

Sa panayam ng PILIPINO Mirror kay Ma. Janeth Buelo, ang hepe ng Quezon Provincial Public Information Office, 11 araw ang pagdiriwang na sinimulan noong Agosto 16 at nagwakas noong Agosto 26 na siyang araw ng pagdedesisyon kung sino ang nanalo sa float parade at street dance composition.

“Bukod sa pagpapalakas sa turismo upang malaman ng lahat ang magagandang produkto, lugar at pagkain dito, ginagawa ng pamahalaang lokal ang ganitong okasyon para naman sa mga magniniyog,” ayon kay Buelo.

Aniya, napakasarap ng mga pagkain sa Quezon at magagandang pasyalan kaya naman ang naging tema para sa 2019 Niyogyugan Festival ay “Tara na sa Quezon” na may basbas ni Gov. David Suarez.

Batay na rin sa mensahe ni Suarez, kanyang hinihimok ang lahat na bisitahin ang kanyang lalawigan para matikman ang local delicacies, ma-experience ang nature-inspired destinations at magkaroon ng agri-products.

INFANTA OVERALL CHAMP SA BOOTH COMPETITION

Guinayangan
Ang booth ng bayan ng Guinayangan na ikatlo sa Category B. Photo courtesy of BONG RIVERA

Noong Agosto 26 ay idineklara ang Infanta bilang overall champion sa booth competition.

Marami pang nagga­gandahang booth na nakita sa Perez Park sa tapat ng Old Capitol ng Quezon sa Lucena City.

Sa Category A, ang mga nanalo ay Real (1st); Infanta, (2nd)  Gen. Nakar, (3rd); Gumaca, (4th)  Candelaria, (5th)  at Atimonan bilang 6th place.

Sa Category B ang first placer ay Gen. Luna na sinundan ng Padre Burgos,  pangatlo ang Guinayangan, pang-apat ang Buenavista, panlima ang San Narciso at pang-anim ang Polillo.

HITIK NA HITIK SA PROGRAMA

Nabusog ang mata ng mga turista sa pagdayo sa Quezon lalo na ang nakamamanghang street dance competition na ginanap sa paligid ng SM Lucena City habang noong Agosto 25 ay dumaan sa piling kalsada ng lungsod ang float parade na na­ging tampok ang Kapamilya Stars na sina Bela Padilla at  RK Bagatsing.

Bukod sa nabanggit ay nagkaroon din ng Dog Show, Lucena Half Marathon, Manuel L. Quezon Flower offering, Coco Jam featuring Sponge Cola at Itchyworms. Bb. Niyogyugan 2019 Coronation Night, Araw ng Pamilyang Magsasaka, Film Showing: Quezon’s Game, Grand Parade, Triathlon COCOJAM feat. Aegist at Wacky Kiray.

MAHIGIT 1 MILYONG TURISTA

INFANTA
Ang booth ng bayan ng Infanta, Quezon bilang Overall Champion sa nasabing kompetisyon. Photo courtesy of Ma. Janeth Buelo, Quezon Public Information Office

“Sa loob ng 11 araw ng pagdiriwang, mahigit isang milyon (1,000,065) na ang naitalang turista,” ayon kay Buelo.

Kaya naman, masaya aniya ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan ng Lucena City sa pangunguna ni Gov. Suarez at Mayor Roderic Alcala dahil napatunayan na kaya nilang tumanggap ng bisita na nasiyahan at naging ligtas.

Samantala, kabilang sa pinasasalamatan ang awtoridad na nangasiwa ng ligtas na stay ng mga turista sa lugar.

Habang maituturing din na malaki ang kontribusyon ng transport sector sa lugar lalo na ang mga provincial bus partikular ang P & O Transport na naghatid ng mga bisita sa Lucena City at iba pang bayan at siyudad sa lalawigan.

PARA SA EKONOMIYA NG MGA MAGSASAKA NG NIYOG

Paglilinaw rin ng Que­zon Provincial Public Office na ang katatapos na Niyogyugan ay naglalayong itaas ang ekonomiya at morale ng kanilang mga magsasaka ng niyog upang himukin ang local at foreign investors na tangkilikin ang kanilang produkto lalo na’t kilala ang Quezon bilang Number 1 coconut oil producer sa bansa.