INAASAHAN ang mas maraming trabahong malilikha sa gaganaping 2019 South East Asian (SEA) Games sa bansa.
Dahil dito, nanawagan si incoming House Speaker Alan Peter Cayetano sa publiko na suportahan ang pagho-host ng Filipinas sa 2019 SEA Games na magaganap mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019.
Paliwanag ni Cayetano na siya ring Chairman ng 2019 SEA Games Organizing Committee, malaki ang magiging ambag ng isa sa malalaking sporting event ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya para sa ekonomiya partikular na sa Sports Tourism.
Sinabi ni Cayetano na ang SEA Games ay isang $620 Billion industry na makalilikha ng mas maraming trabaho lalo na kapag naipakita ng pamahalaan na magandang venue ang Filipinas sa mga malalaking sporting events.
Sa oras na umpisahan ang SEA Games sa bansa ay tiyak na maraming oportunidad ang magbubukas para sa mga Filipino.
Huling nag-host ang Filipinas noong 2005 SEA Games kung saan labing isang bansa ang lumahok sa 40 sporting events. CONDE BATAC