NILAGDAAN ng Filipinas at Japan ang $202-million (P10.5 billion) loan agreement upang tustusan ang road project sa Mindanao, kabilang ang war-torn Marawi City, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sa isang statement kahapon, sinabi ng DOF na ang loan deal ay sinelyuhan noong Martes sa pagtatapos ng Philippines-Japan Joint Committee on Infrastructure Development and Economic Cooperation sa Clark, Pampanga.
Sa ilalim ng kasunduan, ang Japan ay magkakaloob ng official development assistance loan para sa konstruksiyon at pagpapabuti ng conflict-affected areas ng Mindanao.
Ang loan agreement para sa Road Network Development Project in Conflict-Affected Areas in Mindanao (RNDP) ay nilagdaan nina Finance Secretary Carlos Dominguez III para sa Filipinas at Philippines and Japan International Cooperation Agency (JICA) Senior Vice President Yasushi Tanaka para sa Japanese government.
Ayon kay Dominguez, sakop ng loan na may katumbas na ¥21.92 billion ang ilang road sites sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Naniniwala rin siya na mapalalakas ang lokal na ekonomiya at mababawasan ang kahirapan sa maraming lugar ng mga nakalatag na road projects na mag-uugnay sa mga trade center sa Mindanao.
“It aims to reinvigorate local economies and reduce poverty in its communities by linking them to Mindanao’s trade centers, thus improving accessibility and the smooth flow of goods and services to and from these areas,” sabi pa ng kalihim.
Nasa ilalim din ng $202-million loan ang pagpopondo sa consulting services at civil works na may kaugnayan sa konstruksiyon at improvement ng may 176.6 kilometers ng access roads, 19.8 kms ng Marawi Ring Road, at 23 kms ng Marawi Trans-Central Road.
Nangako ang mga opisyal ng Japan at Filipinas na tatrabahuhin ang paglagda ngayong taon sa isang supplemental loan para sa isinasagawang Davao City Bypass Construction Project, at sa tatlo pang loans para sa New Mactan Bridge Construction Project in Cebu, second phase ng Metro Manila Priority Bridges Seismic Improvement Project, at second tranche para sa first phase ng Metro Manila Subway Project. VERLIN RUIZ
Comments are closed.