CABAGAN, Isabela- Simot ang higanteng Pansi Cabagan, ang sikat na lokal na bersiyon ng pansit sa Isabela, matapos lantakan ng 2,000 katao sa Pansi Festival na isinagawa sa Cabagan Square Park kamakalawa.
Inihayag ni Mayor Christopher Mamauag na ang konseptong taon 2020 ay panahon ng bagong dekada na inaasahang magbibigay ng biyaya at maayos na kalusugan ng mga mamamayan.
“Ang Pansi Cabagan, salitang Ibanag ng pansit, ay nakatanim na sa puso at isipan ng mga residente bilang bahagi ng kultura,” dagdag ni Mamauag.
Ang taunang pagtitipon ay isang pagpupugay sa mga gumagawa at nagluluto ng pansit at sa mga magsasaka, ayon pa rito.
Gumamit ng 200 kilo ng miki, 100 kilo ng karne ng baboy, 200 piraso ng itlog ng pugo at manok at iba pang sahog gaya ng tinapa at hibi at inilagay sa mga hinabing bilao.
Ang Pansi Festival ay taunang isinasagawa at kabilang sa mga naging pakulo ay ang sports competition, Senior Citizens-SK-Balikbayan-OFW Night, beauty pageant, street dancing at iba pa. ROSENDA ALLUAD-VISAYA
Comments are closed.