MULING nadominahan ng Thailand ang Filipinas sa pamamagitan ng five-match sweep sa women’s tournament habang pinataob ng India ang Kazakhstan sa men’s side, 4-1, sa pagsisimula ng aksiyon sa 2020 Badminton Asia Manila Team Championships kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Namayani si Chasinee Korepap sa kabila ng mainit na paghahabol ni Sarah Joy Barredo sa second game ng third singles match, 21-14, 21-15, upang kunin ang liderato sa Group Y.
“For me naman, naging maganda ‘yung game ko kahit first time ko siyang nakalaban,” wika ni Barredo said. “At first kasi ‘yung game niya balik-balik lang, pero hindi lang pala siya ganoon, consistent din.”
Sinimulan ni Busanan Ombangrungphan ang araw sa pamamagitan ng impresibong 21-8, 21-10 panalo laban kay Nicole Albo bago naitakas ni Pornpawee Chochuwong ang panalo kontra Bianca Carlos, 21-15, 21-12.
Sinawing-palad din ang doubles pairs ng Pinas nang walisin ng Thailand ang sumunod na dalawang laro.
Pinadapa nina Jongkolphan Kititharakul at Rawinda Prajongjai sina Alyssa Leonardo at Thea Pomar, 21-12, 21-13. Bumalik si Korepap sa court at nakipagtambalan kay Phataimas Muenwong para igupo ang tandem nina Geva De Vera at Chanelle Lunod, 21-10, 21-8.
Umaasa si Barredo na mas maganda ang ilalaro ng koponan laban sa Indonesia ngayong araw.
“Mas mahihirapan kami with Indonesians pero iisipin na lang namin na no pressure kami at all. Basta, laban lang,” dagdag niya.
Sa men’s side ay magaan na dinispatsa ng India ang Kazakhstan, sa pangunguna ni young gun Lakshya Sen.
Nangailangan lamang ang 2018 Asian Junior singles champion ng 21 minutes para iangat ang kanyang koponan sa 2-0. Impresibo si Sen sa pagwalis kay Artur Niyazov 21-13, 21-8, sa krusyal na second singles match.
Sinundan ito ni Subhankar Dey ng isa pang two-setter, 21-11, 21-5, laban kay Khaitmurat Kulmatov. CLYDE MARIANO
Comments are closed.