(2020 Badminton Asia Team Championships) SIBAK NA ANG PINAYS

Badminton

NAGPASIKLAB ang Indonesia at Malaysia sa kanilang debut sa 2020 Badminton Asia Team Championships makaraang gapiin ang Philippines at Kazakhstan sa pamamagitan ng 5-0 sweeps sa women’s at men’s tournaments, ayon sa pagkakasunod, kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Ang mga panalo ay nagpatalsik sa mga Pinay at Kazakh sa kontensiyon para sa quarterfinals ng torneo.

Kinumpleto ni 2019 Southeast Asian Games silver medalist Ruselli Hartawan ang tagumpay para sa Indonesians makaraang malusutan si Bianca Carlos, 21-10, 21-18, sa second singles match.

Abante si Carlos sa 18-17, subalit dalawang sunod na errors ang nagpabaligtad sa sitwasyon pabor kay Hartwan.

Sinundan ni Hartawan ang panalo ni Gregoria Tunjung, at ng duo nina  Greysia Polii at Apriyani Rahayu sa first singles at first doubles matches, ayon sa pagkakasunod, upang maisaayos ang duelo sa Thailand para sa Group Y win ngayong araw.

Ginulantang ni Nicole Albo si Tunjung makaraang maibulsa ang opening game, 21-19. Nanalasa naman ang top Indon women’s singles player upang walisin ang sumunod na dalawang frames, 21-11, 21-9.

“Feeling ko naging maganda naman ‘yung performance ko, knowing malakas talaga ‘yung team ng Indonesia and ‘yung nakalaban ko is ‘yung ranked number one sa Indonesia team,” wika ni Albo. “And I think naibigay ko naman ‘yung best ko.”

Samantala, napalaban din sina Polii at Rahayu kontra Alyssa Leonardo at Thea Pomar, ngunit sa huli ay kinuha ang 2-0 kalamangan, 21-18, 21-12.

Pinadapa nina Siti Fadia Ramadhanti at Ribka Sugiarto sina Geva de Vera at Chanelle Lunod sa second doubles match, 21-7, 21-8. Pagkatapos ay kinumpleto ni Putri Kusuma Wardani ang panalo laban kay Sarah Barredo, 21-19, 21-14.

Sa kabila ng pagkakasibak, si Albo at ang iba pa sa SMASH Pilipinas women’s squad ay nagpapasalamat sa karanasan.

“Sobrang laking advantage nun eh, ‘yung may experience talaga sa paglalaro sa abroad, nakaka-tournament ka, kasi nakakaangat rin ‘yun ng morale mo. Kasi kailangan talaga namin ng experience sa game,” sabi ng da­ting UAAP MVP.

Sa men’s side ay inilampaso ng Malaysia ang Kazakhstan, sa pangunguna ni  2019 Southeast Asian Games champion Lee Zii Jia. CLYDE MARIANO