2020: BAGONG TAON, BAGONG PAG-ASA

Magkape Muna Tayo Ulit

WELCOME back! Humihingi ako ng paumanhin at hindi po ako nakapagbigay ng akng mga opinyon ng isang linggo. Nangailangan lang ng kaunting pahinga at makapiling ang aking pamilya sa panahon ng Kapaskuhan. Ika nga ay tulad ng ating cellphone, ako ay nag-recharge ng kaunti.

Sa pagpasok ng 2020, hindi natin alam kung ano ang mga pagsubok at tagumpay na maaaring mangyari sa ating buhay at sa ating bansa. Ang mahalaga ay handa at matibay ang ating mga loob kung papaano natin tatanggapin ang mga pagsubok at kung paano din natin hahawakan ang mga tagumpay natin sa buhay.

Ang mahalaga ay positibo ang ating isip sa pagpasok ng 2020. Dapat ay bukas tayo at aksiyonan ang mga oportunidad na lalapit sa atin upang maging manigo ang buhay natin.

Una sa lahat ay magpasalamat tayo sa ating Panginoon sa lahat ng biyaya na ipinagkaloob sa atin sa nakalipas na taon. Magpasalamat din tayo sa Kanya sa paggabay Niya  sa atin upang malagpasan natin, maliit man o malaki, ang mga suliranin na dumaan sa ating buhay nitong nakalipas na taon.

Magpasalamat tayo sa ating Panginoon sa maayos o magandang kalusugan na ipinagkaloob  sa atin nitong nakaraang taon. Sana ay ipagpatuloy at ibigay pa rin sa atin ang magandang kaulusugan, gayundin sa ating kapamilya at mga mahal sa buhay.

Magpasalamat din tayo sa ating pamilya na nagbibigay inspirasyon sa atin na magpursige sa buhay upang mabigyan sila ng maayos na buhay sa abot ng ating makakaya. Magpasalamat din tayo sa ating mga asawa o kabiyak sa kanilang malawak na pang-unawa  sa ating mga kakulangan sa kanila.

Magpasalamat din tayo sa ating mga katrabaho na handang magbigay payo, unawa at tulong sa ating mga gawaing opisina kaya naman mas napadadali ang mga ito. Ganoon din sa mga kaibigan natin na handang makausap at magbigay payo sa mga katanungan na ating hi­ningi sa kanila.

Sa ating bayan, sana ay maganda ang 2020. Ang mga proyektong pang-imprastraktura ng ating pamahalan ay agresibong ipinagpapatuloy bilang pangmatagalang solusyon sa lumalalang trapiko sa mga pangunahing lugar sa ating bansa.

Sana ay magkaroon din ng magandang ugnayan ang gobyerno at ang pribadong sektor sa pakikipagtulungan upang magbigay ng tama at maayos na serbisyo sa mga Filipino. Sana din ay maunawaan ng international community ang mga polisiyang ipinatutupad ng pamahalaan na ito ukol sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Sana ay ang mga economic adviser ni Pangulong Duterte ay isiping mabuti kung papaano uusad nang mabilis ang ating ekonomiya. Para sa ating mga mambabatas, sana ay unahin ang interes ng karamihan bago ang interes na pansarili.

Happy New Year. Mabuhay tayong lahat!

Comments are closed.