2020 IPINADEDEKLARANG ‘DISASTER, CLIMATE EMERGENCY CONSCIOUSNESS YEAR’

CLIMATE CHANGE

INIHAIN kamakailan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda sa Kamara ang kanyang House Resolution 535 na humihiling  na ideklara ang 2020 bilang ‘Disaster and Climate Emergency Awareness Year,’ isang panawagan para sa patuloy at lalong pinaigting na pagpukaw sa kamalayan ng bansa sa banta ng lalong lumalakas na mga bagyong dulot ng ‘climate change.’

Ang HR 535 ay bilang tugon sa panawagan ng Philippine Councilor’s League (PCL) na dumalaw sa Kamara ang mga lider matapos ang ‘First PCL Conference on Climate-Disaster Resilience and Federalism Governance’ nila sa Quezon City.  Pinangunahan ni Albay Board Member Jesciel Richard Salceda, hiniling nila sa mga mambabatas, kasama si House Speaker Alan Peter Cayetano, na ikonsidera ang ‘working output’ ng kanilang PCL climate change conference – na madeklara ang 2020 bilang ‘Disaster and Climate Change Awareness Year.’

Ayon kay Salceda, na tinanghal ng UN bilang DDR-CCA Senior Global Champion, sobra na ang paghihirap ng ­Filipinas sa pananalasa ng mga kalamidad kaya kailangan na nito ang “whole-of-government and whole-of-nation policy ­response” sa mga ito.

Bukod sa pagdeklara sa 2020 bilang ‘Disaster and Climate Emergency Awareness Year,’  hinimok niya ang kapwa mga mambabatas na paigtingin lalo ang ‘oversight functions’ nito sa mga programa at hakbang ng mga ahensiya ng gobyerno kaugnay sa mga epekto ng mga kalamidad at ‘climate change’ sa mga karapatang pundamental ng mga Filipino.

Pinatitiyak din na maipasa ang panukalang paglikha ng Department of Disaster Resilience.

Sa pulong noong 2016 ng United Nations Framework Convention on Climate Change (UNFCCC) kung saan kasama ang Filipinas at kung saan pinagtibay ang Paris Agreement, kinilala roon ang kahalagahan ng wastong paggamit ng siyensiya at akmang mga teknolohiya sa tugon sa ‘climate change’ maging ligtas ang sangkatauhan.

Kamakailan, inaprubahan ng UN-Green Climate Fund (GCF) ang $10-milyong ayuda sa Filipinas para sa ‘multi-hazard impact-based forecasting and early warning system’ (MH-IBF-EWS) ng bansa.

Pinuna ni Salceda, na chairman ngayon ng House Ways and Means Committee, na sobrang pananalasa na ang tinamo ng Filipinas sa nagdaang mga bagyo.

“Sadyang kailangan ng mga kalamidad na ito ang wastong tugon ng pamahalaan – pambansa at lokal – at pati ang paggasta  ng bansa at dapat ding nakatutugon sa mga ito,” dagdag ng solon.

Comments are closed.