GAGANAPIN ang 2020 NBA Draft sa October 16, ayon kay Adrian Wojnarowski ng ESPN.
Batay sa report, ang early entry deadline ng draft ay sa Aug. 17 habang ang early withdrawal deadline ay sa Oct. 6.
“Free agency will open at 6 p.m. ET on Oct. 18. A moratorium period, when free agent deals can be reached but not officially completed, will run from Oct. 19-23,” ayon pa sa report.
Tulad ng unang inanunsiyo, ang NBA Draft Lottery ay gaganapin sa Aug. 25.
Plano ng NBA na ipagpatuloy ang season sa Hulyo 30 na may 22 teams na may tsansang makapasok sa playoffs sa Walt Disney World malapit sa Orlando, Fla. Natigil ang season noong Marso 11 dahil sa coronavirus.
Subalit bago ito ay isasailalim sa COVID-19 test ang mga NBA team tuwing makalawa simula sa Hunyo 23 habang naghahanda ang liga sa pagpapatuloy ng season.
Batay sa report, nagpadala ang liga ng memo sa mga koponan na nag-aabiso sa mga ito na ang mga player at importanteng team personnel na may kinalaman sa pagbabalik ng season ay isasailalim sa COVID-19 test at antibody test.
Matapos ang Hunyo 23, ang mga player at staff ay isasailalim sa coronavirus test tuwing makalawa hanggang dalawang araw bago sila umalis patungong Florida. Magsisimula ang training camp doon sa Hulyo 9.
Comments are closed.