SUPORTADO ni Senate Committee on Health Chairman Christopher Bong Go ang panawagan ng Department of Health (DOH) na ideklara ang 2020 bilang taon ng mga Filipino Health Worker.
Layon nitong kilalanin at bigyang-pugay ang mga health worker sa bansa lalo na ngayong nahaharap sa COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ng senador, dapat bigyang-halaga ng publiko ang pagsisikap at dedikasyon ng health workers sa bansa bilang mga frontliners sa paglaban sa health crisis.
Idinagdag pa nito, habang nilalabanan ang COVID-19, dapat pagtuunan din ng pansin ang mga pangangailangan ng mga medical frontliner para magampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan.
Iginiit ni Go, isa sa mga mabisang paraan ng pagpapakita ng pagkilala sa sakripisyo ng mga medical health workers ay ang pakikiisa at pagsunod sa mga guidelines na inilabas ng mga health official.
Sa pamamagitan nito, makakaiwas sa mas peligrong dulot ng COVID-19 ang mga health worker lalo na at sila ang talagang exposed sa virus.
Matatandaang palaging ipinapaalala ni Go na dapat gawing prayoridad ng bawat isa sa sa anumang gagawin at desisyon ang kalusugan ng mga mamamayan at ng mga health workers sa pamamagitan ng pagsusulong niya ng mga pagpapabuti sa kalidad at accessibility ng healthcare services sa bansa. VICKY CERVALES
Comments are closed.