(2020 Ronda Pilipinas) STAGE 1 KAY BORDEOS

Mark Julius Bordeos

SORSOGON CITY—Muling ipinakita ni Mark Julius Bordeos ang kanyang galing sa sprint makaraang talunin sina Jerry Aquino Jr., Rostum Lim at George Oconer sa rematihan at sungkitin ang unang stage sa 2020 Ronda Pilipinas na nag-umpisa at nagtapos sa harap ng city hall.

Sakay ng kanyang bike na ginamit noong nakaraang taon at hindi dumanas ng flat tire at stomach at leg cramps, tinakbo ng 25-anyos na Pangasinense mula sa Laoac ang 121.5 kilometers sa bilis na 3 hours, 6 minutes at 7 seconds upang sa  wakas ay angkinin ang lap victory sa loob ng limang taong pagsali sa karera at palakasin ang kanyang title campaign sa torneo na napanalunan noong nakaraang taon ni Francisco Mancebo ng Spain.

Inamin ni Bordeos na hindi niya akalaing mananalo siya dahil malalakas ang mga kalaban.

“Tumutok lang ako sa mga kalaban ko. At ang sabi ko sa aking sarili, lulusot ako kapag may pagkakataon. ‘Yun ang aking ginawa. Salamat at hindi ako nabigo at sa wakas  ay nakatikim din ng panalop,” sabi ni Bordeos matapos tumawid sa finish line.

Ipagpapatuloy ng mga siklista ang kanilang mainit na labanan sa kalsada sa second stage na may layong 150.6 kilometres at mag-uumpisa sa nasabing lungsod at magtatapos sa Legazpi City sa lalawigan ng Albay.

May 80 riders mula sa 11 teams ang kalahok sa dalawang linggong ‘battle on two wheels’ na tatahak sa mga bayan, lungsod at lalawigan sa Southern at Northern Luzon. CLYDE MARIANO

Comments are closed.