(2020 target umabot sa P18.1B) REVENUE COLLECTION NG MAKATI LUMAGPAS

abby binay

NALAGPASAN ng lungsod ng Makati ang 2020 revenue target nito matapos na umabot sa P18,150,510,850.72 ang kabuuang koleksyon nitong Nobyembre o katumbas ng 102 porsiyento ng P17.8 bilyong target para sa buong taon.

Nagpahayag ng kagalakan si  Makati City Mayor Abby Binay sa tagumpay na naabot ng lungsod ang revenue goal bago pa man matapos ang taon sa kabila ng matinding paghihigpit sa mga operasyon ng mga negosyo bunsod ng pandemya.

Ayon kay Binay, nagbigay ito ng inspirasyon at pag-asa na manunumbalik ang sigla ng ekonomiya at lalong yayabong sa taong 2021.

Batay sa ulat ni City Treasurer Jesus Cuneta, nakamit ng lungsod ang 102 porsiyento ng full-year revenue target nito at nalagpasan ng tatlong porsiyento ang aktuwal na koleksiyon nito sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Nakuha rin ng lungsod ang kita mula sa local revenue sources at iba pang sources kabilang ang fees and charges na P609.2 milyon at economic enterpri­ses na P135.1 milyon.

Ang iba pang sources ng revenue ay kinabibilangan ng interest income na P233.4 milyon; internal revenue allotment na P1.2 bilyon; share mula sa PEZA na P314.6 milyon, share mula sa PAGCOR/PCSO na P4.14 milyon at grants and donations na P110.8 milyon.

Sa talaan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na hanggang Disyembre 23 ay mayroong 2,789 na mga bagong rehistrong negosyo at 35,836 na nagpa-renew ng permit.

Ang mga bagong nego­s­yo ay may kabuuang P29.8 bilyong capital investment, samantalang ang kabuuang gross sales ng mga negosyong nagpa-renew ng kanilang permit ay umabot sa halos P1.6 trilyon. MARIVIC  FERNANDEZ   

Comments are closed.