2021 BUDGET ‘DI MAAAPEKTUHAN NG GIRIAN SA SPEAKERSHIP

ACT-CIS Rep Eric Go Yap

KUMPIYANSA si House Committee on Appropriations Chairman at ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na nananatili pa rin ang target ng Kamara na mapagtibay ang P4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021.

Ito ay sa kabila rin ng matinding girian sa usapin ng term-sharing agreement sa pagka-Speaker.

Ayon kay Yap, walang pagbabago sa target na pag-apruba sa House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Act sa kabila ng problemang kinakaharap ng House leadership.

Ang pambansang pondo ay planong aprubahan ng Kamara at maisumite ito sa Senado sa Oktubre 14 o bago ang kanilang Undas break sa Oktubre 17.

Kahit bahagyang naantala ang pagtalakay sa pambansang pondo sa plenaryo noong nakaraang linggo matapos na maghain ng resignation si Speaker Alan Peter Cayetano ay tatapusin pa rin ang debate sa budget sa darating na Biyernes kung saan agad na isasalang ito sa period of amendments para maaprubahan na sa ikalawang pagbasa.

Matatandaang pinaalalahanan ng Palasyo ang mga kongresista sa kahalagahan na maipasa agad ang pambansang budget kahit pa may matinding labanan ngayon sa House leadership. CONDE BATAC

Comments are closed.