PAWANG tinuran nina Vice President Leni Robredo, Sen. Panfilo Lacson at Sen. Franklin Drilon na pagkukunwari lang na COVID responsive ang 2021 national budget dahil kung hihimayin ito ay sasabog ang P28.35B insertions na ginawa ng House of Representatives para sa kanilang favorite projects na ipinaloob sa infrastructure budget ng Department of Public Works and Highwayys(DPWH) habang P2.5B lang ang ginaranti-yang pondo para sa pagbili ng COVID vaccine.
Kasabay nito, umapela si Lacson kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-veto ang P28.35B isiningit na pondo ng Kamara, gayundin ang iba pang mga double and overlapping appropriations, kabilang na ang 793 line items na may pondo na P1M hanggang P2M bawat isa.
Sinabi ni Lacson na ito rin ang panawagan ni DPWH Secretary Mark Villar dahil kalimitang hindi nalalaman ng DPWH ang mga isiningit na proyekto at nagugulat na lamang ang ahensiya na may pondo sa General Appropraitions Act(GAA) ang infrastracture project na hindi naman nila plinano at nalalaman na lang na pet project pala ng isang kongresista.
“Ang Senado kasi at House ay hindi dapat involved sa planning, kami nagbibigay lang ng authorization du’n sa agencies na gumastos at pagkatapos nito ay oversight function, ang nangyayari even sa National Expenditures Program (NEP) nakakapagsingit na ang mga legislators, ‘yung mga listo at mga makikisig na congressman na may koneksiyon ay ginagamit ang kanilang posisyon para i-harass ang agencies na gusto nilang pakialaman ang budget, sobra na ang pakikialam ng mga lawmakers sa budget,” paliwanag ni Lacson.
Aminado si Lacson na ang malalaking pondo na isiningit sa 2021 budget ay walang ibang dahilan kundi para magamit sa eleksiyon.
“‘Yung budget taxpayers money iyan, matagal lang ma-educate ang taumbayan sa isyu na ito, ang nakikita lang nila ‘yung short-term na pakinabang, gaya kapag eleksiyon ‘yung binibigay na P500 at P1,000 ni congressman o senador, hindi nila nakikita ang long-range implication, yung 3 taon na binoto nila eh sinasalbahe naman sila,” dagdag pa ni Lacscon.
Samantala, hindi nagustuhan ni Lacson ang naging paliwanag ni Senate Finance Committee Chairman Sen Sonny Angara na pinalusot din sa bicam ang mga budget insertions na ginawa ng Kamara dahil kapos na ang oras.
“Well, I cannot accept that as a reason. Kaya namimihasa ang Kamara, ginagawang hostage ang budget, kung ganun na lang lagi ay vicious cycle na ito. Taon-taon na lang pagbibigyan ang kapritusahan ng mga congressman para hindi ihostage ang budget,” ani Lacson.
Umaasa si Lacson na hindi hahayaan ni Pangulong Duterte na manaig ang “whims and caprices” ng mga kongresista, gaya ng ginawang pag-veto noon aa P95B na isiningit sa 2019 budget sa ilalim ni dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ang 2020 budget sa ilalim ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ay hindi na-veto dahil sa pagiging pork-free at walang parked funds.
Binira rin ng kampo ni Robredo ang kawalan ng urgency sa COVID response sa ipinasang budget. Aniya, P2.5B lang ang tiyak na pondo na pambili ng bakuna, bagamat may inilagay na P72B na dagdag ay hindi klaro kung saan ito kukunin.
Taliwas ito sa nauna nang sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na sa 2021 budget ay nasa mas magandang posisyon na ang bansa para labanan ang COVID.
Ani Robredo, ang pagbili ng bakuna ang dapat na may malaking funding subalit nakagugulat na hindi ito ang syang naging prayoridad ng Kamara.
Gayundin ang puna ni Drilon. Aniya, kung ang ibang proyekto ay may tiyak nang pondo ang ipambibili ng bakuna ay hahanapan pa lang ng budget na kukunin sa panibagong utang at non-tax revenue collections.
“It is like we issue a check without adequate funding. Sana po hindi mag-bounce.There is no definite revenue source for the purchase of COVID-19 vac-cine but there are P16.4 billion for anti-insurgency and P9.5 billion for confidential and intelligence funds,” paliwanag ni Drilon.
Ang Kamara ay inisyal na nag-allocate ng P8 billion programmed funds para sa COVID-19 vaccines subalit binalik itong muli sa P2.5 billion matapos bawiin ng mga kongresista ang P5.5 billion funding sa isinagawang bicameral deliberations.
Habang hinahanapan ng pondo ang Covid measures ng pamahalaan, may tiyak na pondo naman ang mga infrastructure budget ng mga kongresista, una nang sinabi ni Lacson na P650M hanggang P15B ang budget allocation ng bawat mambabatas sa ilalim ng 2021 budget.
Comments are closed.