(Tiniyak ng DBM) 2022, 2023 PRODUCTIVITY BONUS NG TEACHERS

TINIYAK ng Department of Budget and Management (DBM) na mailalabas ang Performance-Based Bonus (PBB) ng public school teachers para sa Fiscal Years 2022 at 2023 sa kabila ng pag-iisyu ng Executive Order (EO) No. 61, na nagmamandato ng pagrerebyu sa Result-Based Performance Management System (RBPMS) at Performance-Based Incentive System (PBIS).

Ginawa ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pagtiyak sa isang diyalogo sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC), sa pangunguna ng chairperson nito na si Benjo Basas.

Tinalakay sa unang pagpupulong ng DBM at TDC ang estado ng PBB para sa FY 2022, ang epekto ng EO 61 sa PBB at Productivity Enhancement Incentive (PEI), ang resulta ng DBM-GCG (Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations) studies, at ang mga kaganapan sa panukalang salary increase para sa FY 2024.

Ang diyalogo ay isang makabuluhang hakbang upang tugunan ang mga alalahanin sa salary hikes at incentives ng mga guro makaraang humingi ang TDC ng paglilinaw sa nasabing mga isyu sa isang liham na ipinadala kay Pangandaman noong nakaraang July 4.

Sa naturang pagpupulong ay tiniyak ni Pangandaman na nakikipagtulungan ang DBM sa Department of Education (DepEd) upang maresolba ang isyu sa implementasyon na may kaugnayan sa PBB, at siniguro na ang lahat ng kinakailangang requirements ay natugunan para sa  bonus distribution.

Kabilang dito ang validation ng isinumiteng Form 1.0 para sa inclusion ng personnel na hindi naka-reflect sa Personnel Services Itemization and Plantilla of Personnel (PSIPOP) ng ahensiya, incorrect information, at duplicate records.

Sa kasalukuyan, ang Form 1.0 submissions mula sa walong DepEd Regional Offices – National Capital Region, Ilocos, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Western Visayas — ay ibinalik para sa revision at validation ng DepEd.

“We must understand that the sheer size and complex structure of DepEd inherently complicates the process,” ani Pangandaman.

“Napaka-tedious ng requirements ngayon, napakadaming dokumento. Timely po na ma-review natin ang components and submissions natin sa PBB. We will endeavor to streamline this process,” dagdag pa niya.

Pinuri at pinasalamatan naman ng TDC si Pangandaman para sa kanyang kagyat na pagtugon sa hiling nilang pagpupulong.

.“Thank you po dahil it’s the first time we had a dialogue with the DBM Secretary. Una po kasi, Usec and Asecs po ang humaharap sa ‘min. We appreciate the gesture,” sabi ni Basas.

“Nakapagsalita ‘yung mga tao [The meeting was] democratic, and nabigyan po talaga kami ng space ni Secretary mismo na, makapagsalita at makapagpahayag ng aming hinaing. With the aid of the Usecs and Asecs, right away meron mga sagot sa aming queries,” aniya.

ULAT MULA SA PNA