NAKOPO ni Filipino-Japanese karateka Junna Tsukki ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 2022 World Games sa Birmingham, Alabama.
Dinomina ni Tsukii ang women’s kumite -50kg category ng kumpetisyon nitong Sabado.
Naitala ni Tsukii ang 2-0 upset win kontra world No. 2 Yorgelis Salazar ng Venezuela sa finals upang maging unang Filipino karate champion sa prestihiyosong torneo.
“I have been waiting for this for many years. The Philippines is not a very big country and we have not won many gold medals. Today, I was not fighting just for myself; I was fighting for the new generations of karatekas in the Philippines who hopefully can outgrow this success and achieve even greater success themselves,” pahayag ni Tsukii sa isang artikulo sa World Karate Federation website.
Sa elimination round ay nalasap ni world No. 5 Tsukii ang 1-8 setback laban kay Salazar sa first match subalit bumawi siya sa sumunod na laban at tinalo si Shaira Hubris ng Germany, 6-4.
Yumuko si Tsukii kay Morales Ozuna Gema ng Spain, 3-3, via senshu (first to score advantage) sa third match at tumapos sa three-way tie para sa ikalawang puwesto sa 1-2.
Gayunman ay mas matikas ang kanyang iskor upang kunin ang second spot sa likod ni unbeaten Salazar, na nagmamay-ari ng dalawang Continental Championship titles.
Sa semifinal round ay ginapi ni Tsukii si two-time world champion Miho Miyahara ng Japan, 4-3, upang makapuwesto sa finals.
“Mabuhay si Junna. Mabuhay ang Karate Pilipinas. Mabuhay ang Pilipinas,” wika ni Karate Pilipinas president Richard Lim sa isang statement.