MAGBABALIK ang aksiyon sa international cycling sa Pilipinas sa pag-host ng Tagaytay City sa 2023 Asian BMX Championships and Asian Junior BMX Championships for Racing and Freestyle mula March 3 hanggang 6 sa International Cycling Union (UCI)-standard BMX track at sa Tagaytay City International Convention Center (TICC) complex.
Inanunsiyo ng Asian Cycling Confederation (ACC) sa Annual Congress nito sa Dushanbe, Tajikistan nitong Linggo ang pagbibigay ng hosting rights sa Pilipinas sa pamamagitan ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).
“We thank the ACC for granting the PhilCycling’s bid to host the Asian championships,” sabi ni PhilCycling chief Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, na siya ring presidente ng Philippine Olympic Committee (POC).
“It’s been a while since we hosted international cycling events and with this privilege, PhilCycling, Tagaytay City and the entire country for that matter will put their best foot forward for this event.”
Ayon kay Tolentino, hihilingin ng PhilCycling sa UCI na ikalendaryo ang 2023 Asian championships bilang qualifiers para sa Paris 2024 Olympics.
Ang huling pagkakataon na idinaos ang international cycling competitions sa Pilipinas ay noong 2019 sa 30th Southeast Asian Games. Ang Tagaytay City ang main hub ng mga kumpetisyon para sa Road at BMX habang ang kalapit na Laurel (Batangas) ang naging host sa Mountain Bike (MTB) competitions.
Mangunguna sa BMX Racing campaign ng Pilipinas si Daniel Caluag, isang London 2012 Olympian at nag-iisang gold medalist ng bansa Incheon 2014 Asian Games. Makakasama niya ang kanyang kapatid na si CJ Caluag at si 2019 Asian Junior Championships gold medalist Patrick Coo.
Ang BMX Freestyle, isa na ngayong Olympic at UCI event, na kinabibilangan ng Flatland at Street, ay pangungunahan nina 2019 SEA Games veterans Renz Viaje at Alan Ray Alfaro.
Ang Flatland competitions ay gaganapin sa Sigtuna Hall sa loob ng TICC at ang Street events sa existing skatepark facility sa Tagaytay City athletics oval.