2023: BALIK-TANAW SA MGA NALIKHANG BATAS PARA SA BANSA AT SA MAMAMAYAN

PARANG itinulog lang natin saglit, biruin n’yo’t nangalahati na agad ang buwan ng Enero. Napakabilis, ‘di po ba? Parang kani-kanina lang na nagdedekorasyon ang ating maybahay para sa Pasko, heto at pati Three Kings, tapos na rin pala. Napakabilis talaga.

At napag-uusapan na rin lang natin ang 2023 – hayaan n’yo po na pagnilayan natin dito sa kolum ang mga kaganapan sa Senado at Kongreso noong nakaraang taon.

Sa ating punto de vista, masasabi nating naging produktibo ang dalawang sangay ng Kongreso pagdating sa paglikha at pagpasa ng mga mahahalagang batas. Lahat nang ‘yan, isinulong at pinaghirapan ng inyong mga kongresista at senador para sa kapakanan ng bansa at ng mamamayan. Ang pagkakaisang ito ng Kongreso at Senado ay pagbibigay suporta sa ehekutibo sa mga layunin nitong makapagbigay ng maayos na serbisyo sa publiko.

Narito ang ilan sa mahahalagang batas na naipasa ng Kongreso at pinagtibay ng Pangulo nitong nakaraang taon:

Nangunguna ang 2024 General Appropriations Act, o ang P5.768 trilyong national budget para ngayong taon. Isa sa layunin ng batas na ito ang maabot ang target  ng administrasyong Marcos sa pagsasakatuparan ng Philippine Development Plan 2023-2028 – ang sisiguro sa kalusugan ng ekonomiya.  Bilang chairman ng Senate Committee on Finance, nakasentro tayo sa government spending sa mahahalagang sektor ng lipunan tulad ng kalusugan, edukasyon at imprastraktura.

Malaki ang pagpapahalaga natin sa kalusugan – patunay ang pagsasabatas ng Regional Specialty Centers Act o ang RA 11959 na napagtibay noong Agosto 2023. Binibigyang-diin ng batas na ito ang kapakanan ng mga kababayan natin sa malalayong lugar o probinsya na kailangan pang bumiyahe papuntang siyudad upang makapagpasuri sa mga doktor o health experts. Dagdag pahirap na  nga sa kanilang nararanasang karamdaman, dagdag pahirap din sa bulsa dahil kailangan pa nilang mamasahe at sagutin din ang pamasahe o pagkain ng kanilang kasama na aagapay sa kanila sa ospital.

At para mas makaakit tayo ng investments at makapasok ang mas marami pang negosyo sa bansa, inaprubahan din ng dalawang sangay ng Kongreso ang Public-Private Partnership (PPP) Code of the Philippines o ang kilala ngayon bilang RA 11966.

Sagot ng batas na ito mga pangangailagan ng mga potential investors na papasok ng Pinas tulad ng malinaw na legal framework na kanilang masasandigan sa pag-i-invest sa bansa.

Makatutulong din nang malaki sa ganitong usapin ang developed at maaasahang imprastraktura – dahil pangunahing pinakamahalaga sa kalakakan ang maayos na imprastraktura ng isang bansa.

At para sa ating caregivers, awtor din tayo ng RA 11965 o ang Caregivers’ Welfare Act na gumagarantiya sa mga benepisyo at karapatan ng ating magigiting na caregivers.

Layunin ng batas na ito na mapangalagaan sila laban sa anumang uri ng pang-aabuso mula sa kanilang employer; ang RA 11962 o ang Trabaho Para sa Bayan Act na masasandalan ng ating mga kababayan sa paghahanap ng trabaho – matutulungan sila ng batas sa kanilang upskilling at reskilling upang mas maging malawak ang kanilang job opportunities.

Nariyan din ang RA 11958 o ang Rationalization of the Disability Pension of Veterans, na naglalayong taasan ang disability pension ng ating military veterans at ng kani-kanilang dependents. Tayo po ay naging co-author at co-sponsor ng batas na ito na talaga namang napakatagal na dapat napagtibay bilang pagkilala naman sa ating  mga beteranong inilagay o inialay ang buhay sa panahon ng digmaan.

Para naman sa ating mga  magsasaka na benepisyaryo ng agrarian reform program, naging co-author po ang inyong lingkod ng RA 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act. Pangunahing kakayahan ng batas ang matulungang makaalpas sa utang ang mga  magsasaka mula sa mga lupang iginawad sa kanila. Sa batas na ito, burado lahat maging ang mga interest, penalties at surcharges ng kanilang utang.

At siyempre, pinakamahalaga para sa inyong lingkod ang pagkakapasa ng ating pet bill – ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill na pareho nang lusot sa Kongreso at sa Senado. Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon ay pagtitibayin ito ng ating Pangulo.

Layunin natin sa pagsusulong ng panukalang ito na makilala ang mga produktong Pinoy hindi lang sa ating bansa kundi maging sa ibayong dagat at sa iba’t ibang panig ng globa.

Kung magagawa natin ito, tiyak na makalilikha tayo ng  maraming trabaho, mas lalakas ang ating ekonomiya at tiyak na may pagkakakitaan ang bawat Pinoy. May malaki ring posibilidad na sa pamamagitan ng batas na ito, dahil magkakaroon tayo available jobs, hindi na kailangan pang mag-abroad ng mga Pinoy.

Ngayong taon, umaasa tayo na mas marami pang batas ang ating malilikha bilang suporta sa development agenda ng pamahalaan na nakasentro sa benepisyo ng bansa at ng mamamayang Pilipino.