NAGSIMULA na nitong Miyerkoles, Setyembre 14, sa pangunguna ng ating komite sa Senado, ang Committee on Finance, ang deliberasyon sa panukalang P5.368 trilyong national budget para sa susunod na taon.
Sa pahayag ng economic managers ng administrasyong Marcos sa pangunguna ni Finance Secretary Benjamin Diokno, tiniyak nila sa atin na nakatutok sa pagpapalakas ng ekonomiya at paglikha ng trabaho ang gobyerno para masigurong tataas ang antas ng employment sa bansa.
Siniguro rin nila na epektibo ang ginagawang aksyon ng pamahalaan sa pagresolba sa pandemya, gayundin ang patuloy na pagganda ng aktibidad ng ekonomiya..
Sa ating budget briefing kasama ang Development Budget Coordination Committee o DBBC, tiniyak ng kasalukuyang economic managers na hindi bibiguin ng gobyerno ang mga umaasang tutuparin ng Pangulo ang pangakong maipatupad ang socio-economic agenda ng 2-month old Marcos administration.
Inilatag ni Secretary Diokno ang medium-term fiscal plan at legislative priorities ng administrasyon, pati na rin ang mahahalagang impormasyon sa fiscal performance at ang estado ng mga utang ng gobyerno.
Bukod po kay Secretary Diokno, dumalo rin sa ating budget briefing sina DBM Secretary Amenah Pangandaman at NEDA Secretary Arsenio Balisacan.
Sa ating pagtugaygay sa presentasyon ng naturang fiscal managers, tayo ay umayon na itaas ang ilalaang pondo para sa edukasyon, health at agriculture.
Nakita natin na may kaunting dagdag sa hinihinging alokasyon para sa calamity fund sa susunod na taon, pero mukhang mas maliit lamang ito kumpara sa umiiral ngayong taon. Sa pagsisimula ng debate sa 2023 national budget sa mga susunod na linggo, dito natin matitiyak kung sapat ba ang pondong ito.
Patungkol sa kahanga-hangang tagumpay ng Pilipinas sa US Open Singles, muli ay nais nating ipaabot kay Bb. Alexandra Eala ang ating taos-pusong pagbati sa kanyang pagkapanalo at pagiging kampeon sa US Open singles Grand Slam event nitong Setyembre 10. Ang pinaka-nakatutuwa rito, ito ang kauna-unahang kampeonato ng bansang Pilipinas sa naturang event.
Talagang kakaiba ang panalong ito ni Alex dahil ang tinalo niya, World No. 3 sa tennis na si Lucie Havlickova ng Czech Republic. Natapos ang laban sa iskor na 6-2, 6-4 pabor kay Eala. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok tayo sa finals ng US Open at mag-kampeon pa mula nang mag-umpisa ito noong 1974.
Gusto nating isentro ang punto natin sa mga hirap na pinagdaraanan ng ating mga atleta sa mga prosesong may kinalaman sa kanilang paglahok sa mga pandaigdigang torneo.
Sa atin kasing pagkikipag-usap sa ama ni Alex na si G. Michael Eala, nabatid natin na hirap na hirap silang makakuha ng visa para sa pupuntahan nilang bansa para sa kompetisyon.
Sa ating speech sa Senado kamakailan, nanawagan tayo sa Department of Foreign Affairs at sa lahat ng kanilang konsulado at passport offices sa iba’t ibang panig na mundo na kung maaari, pagdating naman sa ating mga atleta, dahil sa dami ng hirap na dinaranas ng mga ito sa pagsasanay, sa pagbibiyahe, bugbog ang katawan sa palipat-lipat na flight, sana naman, tulungan din natin sila na maging madali ang mga daraanan nilang proseso. Malaking tulong ito para makatutok sa kompetisyon ang ating mga manlalaro dahil wala silang iniisip na problema.
Kung napapansin ninyo, gumawa tayo ng pangalan sa sports nitong mga huling taon hanggang sa kasalukuyan, kaya wala naman sigurong kuwestiyonable kung magiging mapagkalinga rin tayo sa mga atletang Pinoy sa mga bagay na makatutulong tayo.