INAPRUBAHAN na ng Senado sa ikatlong pagbasa ang P5.268 trilyong 2023 proposed national budget ng pamahalaan sa ilalim ng adminitrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ito ay matapos ang mga marathon hearing sa committee level at interpelasyon sa plenaryo ukol sa magiging bersyon ng Senado sa 2023 national budget na kung saan ang naging boto ay 21-0-0.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senador Sonny Angara, ang kanilang pinagtibay na 2023 budget ay nakatuon sa taumbayan para sa post-pandemic, tiyakin ang food security, palakasin ang seltor ng edukasyon at ihanda ang bansa sa magiging epekto ng climate change.
“Sa ilalim ng 2023 budget ay magkakaroon pa din ng ayuda para sa ating mga kababayan pero hindi na ito tulad ng nakaraang ayuda kung saan ay halos lahat ng tao ay nabigyan ng pera. Ngayon pili na sektor na ang bibigyan ng tulong at nakabase ito sa bigat ng pangangailangan at naging epekto ng pandemya sa kanila,” ani Angara.
Kabilang dito ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pagbibigay ng tulong at serbisyo sa mga indibidwal sa mga sakuna at krisis, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Diisadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD) at ang Sustainable Livelihood Program.
Tiniyak ni Angara na sa kabila ng pababa na ang bilang ng mga kaso ng mga kaso ng COVID-19 ay nakahanda pa rin ang 2023 national budget upang tugunan ang anumang banta ng pandemya at upang palakasin ang sektor ng kalusugan sa bansa.
Tiniyak din sa bersyon ng Senado ang lalo pang pagpapalakas sa Health Facilities Enhancement Program ng Department of Health (DOH) maging ang mga ibat-ibang hospitals na pinatatakbo ng DOH kabilang na ang National Children’s Hospital na dadagdag ng pondo.
Naglaan din ng pondo para sa pagpapatayo ng mga specialty hospitals sa ibat-ibang rehiyon sa bansa.
Maging ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay tatanggap ng karagdagang pondo bilang suporta sa kanilang ipinagkakaloob na Benefit Package para mas lalong mapataas ang antas ng ating Universal Health Care Law.
“Ang pondong ito ay puwedeng gamitin sa pag expand o paglaki ng coverage para sa dialysis, mental health outpatient services, z-benefit packages, severe acute malnutrition at iba pang mga outpatient benefits tulad ng libreng konsulta, libreng lab tests at diagnostic services, gamot at mga emergency medical services,” dagdag ni Angara.
Sa sektor naman ng transaportasyon ay pagkakalooban ang mga public transport ng patuloy na fuel voucher. At para sa ating mga magsasaka at mangingisda at tatanggap din sila ng fuel assistance upang maibsan ang kanilang problema sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
At upang bigyang tulong ang mga mag-aaral na kapus palad ay nakapaloob sa 2023 nationa budget ang mga sumusunod :
• Universal Access to Quality Tertiary Education Program;
• Senior High School Voucher Program;
• Education Service Contracting for Junior High School;
• Student Financial Assistance Programs;
• Joint Delivery Voucher for Senior High School Technical-Vocational-Livelihood Track; and• Private Education Student Financial Assistance
“Para sa ating mga senior citizens at bilang pagpapatupad na din ng bagong batas na RA 11916 kung saan ay tinaasan natin ng 100 percent ang pension ng mga mahihirap na lolo at lola natin, may dagdag na pondo na nakalagay sa unprogrammed appropriations para mabigyan sila ng kaunting suporta para sa kanilang gastusin,” ani pa ni Angara.
At dahil sa sunod-sunod na bagyo at iba pang uri ng kalamidad ay itinaas ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund o ang calamity fund mula sa 20 bilyong piso patungong 31 bilyong piso para sa taong 2023. Kasama na din ang isang bilyong piso para sa mga biktima ng Marawi siege victims.
Pinondohan din ang patuloy na libreng sakay program ng pamahalaan na malaking tulong para sa mga mananakay lalo na ngayon ay patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
“Marami na ang nakinabang sa libreng sakay at sa panahon na ito ay talagang kahit anong klaseng tulong na maibibigay para maibsan ang hirap na dala ng pagtaas ng presyo ay dapat lang ipagpatuloy,” giit ni Angara.
At upang maihatid ang tulong at serbisyo ng pamahalaan sa mga local government units (LGU’s) ay pinagkalooban ito ng 820.27 bilyong piso na kakatawan sa National Tax Allotment na ipamamahagi sa mga LGUs.
“With the inputs and support of most, if not all, of our colleagues here in the Senate, we have been able to keep this budget aligned with the objectives and agenda outlined in the Medium-Term Fiscal Framework. We thank the Senate leadership- Senate President Migz Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Floor Leader Joel Villanueva, and Minority Leader Koko Pimentel, as well as our Finance Committee vice chairpersons Pia Cayetano, Imee Marcos, Cynthia Villar, Ronald Dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Bong Go, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, Francis Tolentino, Mark Villar, and JV Ejercito,” pagtutukoy ni .
Kaugnay nito ay nakatakdang idaos ang bicameral conference committee meetings sa Biyernes na kung saan ay magpupulong ang mga kinatawan ng Senado at mababang kapulungan ng Kongreso upang magkasundo sa iisang bersyon ng 2023 national budget na siyang lalagdaan ni Pangulong Marcos na tatawaging General Appropriations Act (GAA) of 2023. VICKY CERVALES