2023 FOREIGN TRAVEL EXPENSES NG KAMARA P39.6-M LANG

INIHAYAG ni House Secretary General Reginal S. Velasco sa ginawang pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises na para sa kasalukuyang taon, partikular mula buwan ng Enero hanggang Oktubre, ang gastos sa foreign travels ng Kamara ay umabot lamang sa P39.6 million.

Ito ay taliwas sa napaulat sa isang radio program ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI) na mayroon umanong P1.8 billion na travel fund si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Kamakalawa ay umarangkada ang pagdinig ng naturang House panel para sa isang resolusyong nananawagan na maimbestigahan ang SMNI hinggil sa pagpapakalat umano ng huli ng fake news at mapanirang impormasyon laban sa lider ng Kamara, partikular ang umano’y bilyones na pondo nito sa pagbiyahe sa ibang bansa.

Sa mosyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, hiniling niya na bilang patunay na rin na transparent at walang itinatago ang kasalukuyang House leadership hinggil sa pondo nito ay ilatag ni Velasco ang financial report, partikular sa naging gastos nila sa official travels.

Ayon sa House Secretary General, sa ilalim ng Office of the Speaker, kung saan kasama ang lahat ng staff nito, mula Enero hanggang Oktubre ng kasalukuyang taon, ito ay may nagamit na kabuuang halaga na P4,347,712.58 para sa foreign travels. Para naman sa panig ng iba pang mga kongresista, kasama na ang House secretariat, sa nasabi ring mga buwan, nasa kabuuang P35,257,411.01 ang naging foreign travel expenses. Kaya pagbibigay-diin ni Velasco, sa kabuuan, ang Kamara ay nakagastos lamang ng kabuuang P39,605,123.61 na malayo sa halagang sinasabi ng isang broadcaster ng SMNI.

Samantala, pinilit ni Pimentel na mabatid kung sino ang naging source ng SMNI, partikular ng radio program na Laban Kasama ang Bayan, kung saan hosts sina Eric Celis at Lorraine Badoy sa pagbabandera nito ng nasabing bilyones na foreign travel funds ni Speaker Romualdez.

Subalit hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nakararating sa Batasan Complex ang nabanggit na mga radio program host.

ROMER R. BUTUYAN