2023 INFLATION FORECAST IBINABA

inflation

BINABAAN ng mga economic manager ng administrasyong Marcos ang kanilang inflation outlook para sa 2023.

Sa isang press conference kasunod ng 185th inter-agency Development Budget Coordination Committee (DBCC) nitong Biyernes, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nagpasya ang mga economic manager na ibaba ang inflation forecast para ngayong taon sa 5% hanggang 6% mula sa kanilang dating outlook na 5% hanggang 7% na inanunsiyo noong April.

Ayon kay Pangandaman, ang pagtapyas sa inflation outlook para ngayong taon ay dahil sa consistent slowdown sa inflation sa nakalipas na apat na buwan.

Ang DBCC, pinamumunuan ng Budget chief, ay binubuo ng secretaries ng National Economic and Development Authority (NEDA), Finance (DOF), gayundin ng governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Gayunman, ang revised outlook ay mas mataas pa rin sa target ceiling ng pamahalaan na 2% hanggang 4% inflation.

Noong Mayo, ang inflation ay naitala sa 6.1% mula 6.6% noong Abril at naghatid sa year-to-date rate sa 7.5%.

Ito ang ika-4 na sunod na buwan na bumagal ang inflation mula sa peak na 8.7% noong Enero at pinakamababa magmula noong July 2022 na may 6.4% rate.

“It is expected that the inflation rate will return to the target range of 2% to 4% by 2024 and 2028 as the administration, through the Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook (IAC-IMO) provides proactive measures to address the primary drivers of inflation,” ani Pangandaman.