SALUDO ako sa mga namumuno sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Pinangungunahan ito ni MMDA Chairman Romando Artes, at ang kanyang mga tauhan na nagpakahirap mamili ng sampung pelikula na lumahok sa nasabing timpalak.
Siyempre, hindi ito magiging ganap na matagumpay kung hindi rin ibinigay ang buong talento at kakayahan ng mga film producer, production team at mga artista upang mapasaya at mapahanga ang milyon- milyong mga nanood noong nakarang Kapaskuhan.
Ngunit ang pinakamagandang balita, dahil sa matagumpay na palabas ng MMFF, pinalawig pa ng isang linggo ang pagpapalabas ng mga kalahok na pelikula.
Bakit?
Aba’y pumatok sa takilya ang 2023 MMFF at umabot ito sa P1 bilyon. Opo, ISANG BILYON!.
Kaya naman minabuti ni Chairman Artes na magdagdag pa ng isang linggo ang palabas na mga pelikula ng 2023 MMFF bilang pasasalamat sa mga tumangkilik ng mga pelikulang Pilipino. “We at the MFF would like to express our deepest gratitude to all who have supported us and watched the movie entries, particularly those who requested for the MMFF movies to extend beyond its original run,” sabi ni Artes.
Ang magandang hakbang ni Artes ay isang suporta na rin sa mga Filipino movie producers dahil ito ay dagdag kita rin para sa kanila dulot ng isang linggo pang pagpapalabas ng kanilang mga pelikula.
Alam ninyo, saksi ako sa mga hamon na pinagdaanan ng MMDA upang maipagpatuloy ang MMFF noong panahon ng pandemya. Kung ano-ano ang iniisip nila upang hindi maputol o mahinto ang taunang pagpaparangal ng pelikulang Pilipino tuwing sasapit ang Pasko.
Nagkaroon pa sila ng parang online na pagpapalabas. Natural, malaki ang ibinagsak sa takilya noong mga panahon na iyon.
Subalit dahil sa buong loob ni Artes na ipagpatuloy ang tradisyon ng MMFF, ginawa niya ang lahat upang hindi ito mahinto. Marami rin ang nagtangkang kunin sa MMDA ang nasabing taunan na filmfest, ngunit sa matagumpay na pag-host noong nakaraang taon, palagay ko malinaw na malinaw na mensahe ito na ang MMDA lamang ang siyang may sapat na karapatan na itanghal ang taunang filmfest.
Malaking bagay ang pagbalik sa normal ng sambayanan, tatlong taon na ang nakalipas mula nang tumama pandemya. Noong 2022, ang kabuuang benta ng tickets sa MMFF ay umabot sa P500 million. Subalit mukhang hihigit pa ng P1 bilyon ang gross sales ng 49th MMFF, ngayon na dinagdagan pa ng isang linggo ang pagpapalabas ng kanilang mga pelikula.
Ayon din sa pahayag ni Artes, ang susunod na hakbang nila ay ipalabas ang 10 pelikula sa Los Angeles, California bago matapos ang buwan ng Enero para sa Manila International Film Festival.
Congratulations, chairman!