ILANG kongresista ang nagsusulong na madagdagan pa ang malaking nabawasang panukalang budget ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa taong 2024.
Si Aklan Representative Teodorico Haresco Jr. ay naniniwalang maaaring madagdagan pa ang panukalang P9.392 billion na budget para sa Kagawaran ng Repormang Pansakahan ng Pilipinas sa susunod na taon na malaking nabawasan mula sa P15.85 billion na budget nito ngayong 2023.
Ang karagdagang budget umano para sa ahensya ay nararapat upang mas matugunan ang pangangailangan nitong mamili ng mga lupaing kailangang ipamahagi sa mga magsasaka at para masuportahan ang iba’t ibang programa ng ahensya para sa sektor na ito.
Ayon kay Haresco, mahalaga umano ang ginagampanan ng ahensya sa “food security” ng bansa at pag- ibsan ng kahirapan lalo na sa bahagi ng mga magsasaka na isa sa prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang panawagan na madagdagan pa ang budget ng DAR sa 2024 ay suportado ni Representative Gabriel Bordado ng Camarines Sur at Party list Representatives Joseph Stephen Paduano ng Abang Lingkod at Rep. Presley de Jesus ng Philreca Party List.
Tinapos na ng Kamara ang diskusyon ukol sa panukalang 2024 budget ng DAR sa isinagawang plenaryo noong Setyembre 21, 2023.
Iginiit ni Haresco na sa kapansin-pansing pagbaba mula sa 2023 na badyet na P15.35 bilyon tungo sa panukalang 2024 na badyet na P9.392 bilyon, ang pagpapalaki ng panukalang badyet ay maaaring mapabilis at mapalawak ang pagkakaloob ng mga serbisyong pangsuporta sa mga magsasaka.
Samantala, sinabi ni Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III na ang bulto ng budget ay gagamitin sa pagpapatupad ng tatlong pangunahing programa ng DAR kabilang ang Land Tenure Security Program na may P3.506 bilyon, Agrarian Justice Delivery Program na may P893 milyon, at ang Agrarian Reform Beneficiaries Development and Sustainability Program na may P1.678 bilyon.
Ang natitirang bahagi ng badyet ay ilalaan para suportahan ang iba pang mga proyekto at programa ng ahensya na naaayon sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang kilusan sa repormang pansakahan at mapabuti ang kalagayan ng mga agrarian reform beneficiaries.
“An investment in land reform is an investment in limitless potential of our people and the prosperity of our nation. Our committee recognizes the transformative power of agrarian reform,” sabi ni Committee on Appropriations Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo (2nd District, Marikina City) anito. MA. LUISA GARCIA