QUEZON – SA pagsalubong ng Kapaskuhan mas higit na pinaigting ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang kanilang mga hakbang sa seguridad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa gitna ng mga selebrasyon at pagdagsa ng mga tao, ang QPPO ay nag-deploy ng mga bike patrols,motorcycle patrol at iba pang mga tauhan ng pulisya na nakatutok sa mga pangunahing kalsada at matataong lugar kabilang na ang Maharlika Highway na pangunahing ruta para sa mga biyahero at maging sa mga pampublikong palengke at mga Mall.
Ayon kay Quezon Police Provincial Director Col. Ruben B. Lacuesta, ang mga hakbang na ito ay hindi lamang para mapanatili ang kaayusan kundi upang mabigyan ng agarang tulong ang mga motorista at pasahero.
“Bilang paghahanda sa mataas na bilang ng mga tao at sasakyan na dadagsa sa lalawigan ng Quezon, itataguyod ng kapulisan ang mas pinalakas na presensya ng mga pulis sa kalsada, lalo na sa mga lugar na madalas na dinadagsa o pinupuntahan ng mga tao,” ani Lacuesta.
Bilang bahagi ng kanilang operasyon, nag-deploy ang QPPO ng 677 na pulis upang magpatrol sa mga komersyal na lugar, terminal ng mga pampasaherong sasakyan, at mga pook-pagtitipon.
Isang partikular na estratehiya ng QPPO ay ang paggamit ng mga bike patrollers at motorcycle patrol cops na may kakayahang mabilis makapunta sa mga lugar na hirap marating at mapuntahan ng mga police mobile patrol at magbigay ng mga pangunahing serbisyo at impormasyon sa mga naglalakbay.
Binigyang-diin din ni Lacuesta ang kahalagahan ng kooperasyon ng komunidad sa mga hakbang na ito.
“Hinihikayat namin ang lahat na maging mapagbantay at makipagtulungan sa amin, ang kaligtasan ng bawat isa ay depende sa ating lahat,” dagdag pa ng Prov.Director sa pamamagitan ng mga regular na pag-patrol at mga assistance desks sa mga pangunahing lugar, ang QPPO ay nagsusulong ng isang mas ligtas at mas maligaya para sa lahat ng mamamayan ng Lalawigan ng Quezon.
Upang makatulong sa mas pinalakas na seguridad, nagpatuloy ang QPPO sa kanilang mga kampanya ng kamalayan, na nagpapayo sa publiko na huwag magdala ng malalaking halaga ng pera, mag-ingat sa kanilang mga gamit, at i-report agad ang anumang kahina-hinalang aktibidad ang mga hakbang na ito ay bahagi ng nationwide “Ligtas Paskuhan 2024” program ng PNP, na naglalayong tiyakin ang ligtas na pagdiriwang ng Kapaskuhan sa buong bansa.
Ang publiko ay hinihikayat na makipagtulungan at magbigay ng suporta sa mga hakbang ng kapulisan upang ang kasiyahan ng Kapaskuhan ay maging ligtas at masaya para sa lahat.
BONG RIVERA