2024 NATIONAL ARTS AND CRAFTS FAIR TAMPOK ANG LIKHANG KAMAY NG MGA PINOY

OPISYAL nang nagbukas noong Oktubre 23, 2024, sa Megatrade Halls 1-3, 5th Level, Mega B, SM Megamall, Mandaluyong City ang pinakahihintay na 2024 National Arts and Crafts (NACF), na patuloy na nagiging plataportma sa pagpapaunlad ng creative industry ng Pilipinas, maging ng sining, fashion, at pamanang kultural ng bansa.

Si Senador Loren Legarda ang nakaisip at sumusuporta sa NACF mula sa unang edisyon nito noong 2016.

Naging taunang selebrasyon ito ng pagkamalikhain ng mga Pilipino, at nagbubuklod sa mga lokal na artisano, katutubo, at micro, small, and medium enterprises (MSME) upang maipakita ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.

Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng NACF ngayong taon, binigyang diin ni Legarda ang kahalagahan ng fair sa pagpreserba sa tradisyong lokal.

“The NACF has served as a powerful platform to mainstream our indigenous arts, crafts, fashion, and cultural heri­tage into broader markets, allowing local artisans, MSMEs, and our Indigenous communities to gain visibility, access new markets, and sustain their livelihoods,” aniya.

“In a world where modern technology often overshadows the traditional, their work proves that nothing can match the beauty of crafts made by hand, with heart and soul poured into every pro­duct. They do not just do their crafts for livelihood; they do it to keep the tradition alive, to pass on a piece of their culture, and to safeguard the richness of our heritage for future generations,” dagdag ni Legarda.

Nagpahayag din ang senadora ng suporta sa mga manlilikha, MSME, at katutubong Pilipino.

“To all the artisans, MSMEs, and Indigenous communities. Your work is our heritage. It is who we are as Filipinos. As a steadfast advocate of culture and the arts, I commit that I will continue to honor and preserve the excellence of the Filipino people,” pagwawakas ni Legarda.

Dahil sa NACF, nagkakaroon ng pagkakataon ang mga mamimili na makabili ng mga produktong tunay na gawang kamay ng mga katutubo, at ng nagkakaroon ng kaalaman tungkol sa iba’t ibang kultura at mga tradisyon.

Ang NACF, na gaganapin mula Oktubre 23-27, ay inorganisa ng Department of Trade and Industry, sa pakikipagtulungan sa Regional and Provincial Offices ng kagawaran, ng Design Center of the Philippines (DCP), ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), at suportado ng tanggapan ni Senador Loren Legarda.

VICKY CERVALES