TAON-TAON, tuwing binubusisi ng dalawang sangay ng Kongreso (Senado at Kamara) ang pambansang budget, hindi nawawala sa listahan ng pagkakalooban ng malaking pondo ang sektor ng edukasyon.
Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat ang napakalaking pangangailangan ng sektor na ito, lalo na’t nagbubunga naman kadalasan ang pagsisikap nating mapaunlad ang sistema ng Philippine education kapag nagtatagumpay sa iba’t ibang larangan ang ating mga mag-aaral.
Katunayan, sa ilalim ng 2024 national budget, naglaan tayo ng halos P980 bilyon sa education sector, mula sa P895 pondo nito ngayong 2023.
Bagaman higit P924 bilyon lamang ang proposisyon ng Pangulo para sa pondo ng naturang sektor, nagkaisa naman tayo sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate Committee on Finance, na mas mapataas ang alokasyon. Basehan natin sa desisyong ito ang nakalulungkot na resulta ng 2022 Programme for International Student Assessement o PISA, kung saan sadsad ang katayuan ng Pilipinas.
Nabatid na sa pinakahuling PISA result, lima hanggang anim na taong huli sa learning competencies ang mga estudyanteng Pinoy. Ibig sabihin, ang ating edukasyon, kumpara sa kontemporaryo ng mga mag-aaral na sumailalim sa pag-aaral, ay talagang hindi nakahahabol sa modernisado at advance learning.
Sa naturang resulta, umiskor lamang ng 120 points, o mas mababa pa sa average scores ang nakuha ng mga batang Pinoy na inilahok, partikular sa mga asignaturang math, reading at science. Kung ano ang estado natin sa kauna-unahan nating paglahok sa PISA noong 2018, ganoon pa rin ang estado natin hanggang sa kasalukuyan. Walang pinagbago – walang pag-unlad.
Marami sa ating mga kasamahan sa Senado ang masugid na nagsusulong sa repormang pang-edukasyon. Nariyan sina Senator Sherwin Gatchalian na chairman ng Senate committee on basic education; Senator Chiz Escudero, chairman ng committee on higher, technical and vocational education; Senator Pia Cayetano vice chairperson ng ating finance committee; ang ating Majority Leader na si Senator Joel Villanueva na kilala bilang “Tesdaman” dahil sa ilang taon ding epektibong pamumuno sa TESDA; at siyempre po, ang inyong lingkod na tulad ng ating yumaong ama ay talaga namang masugid ding nagsusulong sa educational reform.
Kami po ng ating mga nabanggit na kasamahan sa Senado ay pawang miyembro ng bagong EDCOM o itong Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 na naglalayong busisiin, pag-aralan ang mga problema ng ating sektor pang-edukasyon at resolbahin ang mga suliraning ito na nagiging dahilan ng krisis sa Philippine education.
Sabi nga natin, ang pagmamahal natin sa edukasyon ay minana natin sa ating yumaong ama na si dating Senate President Ed Angara na siyang dating pinuno ng orihinal na EDCOM noong 1991. Kabilang sa mahahalagang report mula sa unang EDCOM ang “trifocalization” ng ating education system, kung saan ang Department of Education ang may nakatutok sa basic education, habang ang Commission on Higher Education o CHED naman ang nakatutok sa higher education, at ang TESDA para sa technical and vocational education and training o TVET.
Sa EDCOM 2, muli nating nire-reevaluate ang Philippine education system, lalo na ang performance ng mga mag-aaral sa PISA. Sa mga lumalabas na resulta, mas nagkaroon tayo ng determinasyon na makapag-invest sa edukasyon at sa iba’t ibang programang nagpapalakas dito para sa mga susunod na taon, makita natin ang progreso sa sektor na ito.
Dinagdagan din natin ang pondo para sa Human Resource Development Program ng Department of Education upang matulungan an gating mga school and learning center personnel; teacher school leader training para sa bagong MATATAG curriculum; ang teaching overload pay; special hardship allowances para sa mga guro; P5,000 cash allowance para sa teachers o mas kilala bilang “chalk allowance”; child protection program; learner support program, lalo na para sa kanilang mental health at sa school-based feeding programs.
Ilan lamang ang mga programang ito sa ilalim ng 2024 GAA na inilaan sa pagpapalakas sa sistemang pang-edukasyon ng bansa. Umaasa tayo na sa pamamagitan ng EDCOM 2 at ng mas pinataas na pondo para sa sektor, ay umani ito ng tagumpay sa mga darating na araw.