2024 SPIKERS’ TURF SEASON TAGUMPAY

NAGING matagumpay ang 2024 Spikers’ Turf season, kung saan nakumpleto ng Cignal ang season sweep sa championship, umusbong ang Criss Cross bilang perennial title contender, at naging pinakamalaking rebelasyon ang Savouge ngayong taon.

Naniniwala si tournament director Mozzy Ravena na naging matagumpay ang season sa pagkinang ng ilang players na nag-iwan ng marka kapwa sa Open at Invitational Conferences.

Habang kinuha nina HD Spikers’ Bryan Bagunas at King Crunchers’ Marck Espejo ang spotlight sa season-opening tournament, si Jude Garcia ang pinakanagningning sa Open Conference, kung saan nakopo niya ang kanyang kauna-unahang MVP award.

Nag-step up din ang mga player na tulad nina Francis Saura at Rash Nursiddik ng D’Navigators, Peter Quiel ng PGJC-Navy, at Cian Silang ng Cignal sa pagganap sa mas malaking papel sa kani-kanilang koponan.

Bagama’t hindi naglaro sina Bagunas at Espejo sa Invitationals, ang liga ay nanatiling kapana-panabik, sa patuloy na dominant performance ni Garcia tungo sa pagkopo ng ikalawang sunod na conference MVP award.

Umusbong din ang rising talents, kabilang sina Louie Ramirez (Cignal), Gian Glorioso (Criss Cross), Sherwin Caritativo (Savouge), Giles Torres (Savouge), CJ Segui (VNS), at Dryx Saavedra (FEU-DN Steel).

Nagningning si Ramirez sa gitna ng stacked roster ng HD Spikers, pinangunahan ang koponan sa record-extending eighth championship at nakopo ang Invitational Conference Finals MVP award.

“Even if it’s a short one, I think it’s very successful kasi marami na naman tayong players na nakita like si (Louie) Ramirez, MVP of the Final, it’s just so much fun and alam mo ‘yung men’s game kasi medyo different siya doon sa women’s,” sabi ni Ravena.

Si Ramirez ay bumalik sa Cignal sa season-ending tournament makaraang tulungan ang University of Perpetual Help System Dalta na kunin ang back-to-back NCAA men’s volleyball championships.

Matapos ang isa na namang matagumpay na season, binigyang-diin ni Ravena na ang pokus ng liga ay lilipat ngayon sa pagsuporta sa Philippine National Volleyball Federation at sa Alas Pilipinas program, kung saan magiging host ang bansa sa FIVB Men’s Volleyball World Championship sa susunod na taon.

“Pinag-uusapan namin kasi we have to align everything with the Men’s World Championship, so kakausapin pa namin para aligned lahat tayo. Kasi siyempre very supportive naman kami of ‘yung national team players natin,” aniya.