2025 AUTOMATED MIDTERM ELECTIONS, NAMEMELIGRO?

MAHIGIT isang taon bago ang 2025 Midterm Elections, nabalot ng kontrobersiya ang inaprubahang kontrata ng Commission on Elections para sa automated polls.

Nito lamang Marso nang igawad ang kontrata sa lone bidder na South Korean firm na Miru Systems Incorporated, na para sa ilang mambabatas ay kwestyonable ang track record maging ang kredibilidad.

Ang nasabing kompanya ang ipinalit ng poll body sa Smartmatic na nagsilbi bilang service provider ng 15 taon.

Gayunman, noon lamang isang linggo ay binaligtad ng Korte Suprema alinsunod sa doktrina ng “operative fact” ang naunang desisyon ng poll body noong 2023 na i-disqualify ang Smartmatic makaraang pagbigyan ang hirit na petition for certiorari ng Smartmatic TIM Corporation at Smartmatic Philippines na kumuwestyon sa pasya ng poll body.

Bagaman kinatigan ang Smartmatic, hindi naman ibinasura ng SC ang kontrata ng Miru Systems, na ipinalit bilang provider ng vote counting machines.

Ayon kay SC Spokesperson, Atty. Camile Sue Ting, batay sa ruling ng SC  ay nagkamali ang Comelec sa pag-disqualify sa Smartmatic sa bidding process para sa mga susunod na poll contracts.

Nilinaw din ni Ting na walang  magiging direktang epekto sa 2025 midterm elections ang naging pasya ng SC pero hindi maitatago ang mga posibleng konsekwensya ng naging hakbang ng Comelec sa hinaharap.

“Nirerespeto naman ni Comelec Chairman George Garcia ang pasya ng Korte Suprema at tiniyak na hindi ito magkakaroon ng epekto sa kanilang preparasyon para sa halalan.

Hindi naman din anya hinarang ng SC. ang preparasyon ng poll body para sa 2025 midterm elections at walang naging masamang epekto sa Smartmatic.

Naghain din ng petisyon si dating Caloocan 2nd District Rep. Edgar “Egay” Erice sa Kataas-taasang korte upang kuwestyunin ang iginawad na kontrata ng Comelec sa Miru system.

Ayon kay Erice, hindi pa napapatunayan ang integridad at nagagamit ng Miru ang kanilang automated system sa kahit anong bansa kaya’t lalabas na pag-e-eksperimentuhan lamang ang Pilipinas.

Sinupalpal din ng dating kongresista ang kuwestyonableng local partner ng Miru, na wala ring karanasan sa eleksyon maging ang napakalaking halaga ng kontrata na aabot sa P17.9 billion na itinuturing na pinakamalaking halaga ng automated election contract sa bansa. Para naman sa SIYASAT Team, isang malaking palaisipan kung paano lumobo sa record-breaking na halos P18 billion ang halaga ng kontrata ng Miru gayung P27 billion lang ang inilaang pondo para sa Comelec sa ilalim ng 2024 national budget.

Bukod pa ito sa hirit ng poll body sa Kongreso na karagdagang P12 billion budget na para lamang sa pagdaraos ng halalan. Gaya ng mga katanungan ng ilang mambabatas, tila nahihiwagaan din ang SIYASAT Team sa karanasan at kakayahan ng Miru para sa 2025 midterm automated polls.