Upang mapalakas ang kakayahang makahanap ng trabaho ang mga senior high school (SHS) learners sa ilalim ng technical-vocational livelihood (TVL) track, patuloy na popondohan ng 2025 national budget ang libreng pagsusuri para makakuha sila ng national certifications (NCs), ayon kay Senador Win Gatchalian.
Isang special provision na iminungkahi ni Gatchalian ang isinama sa 2025 national budget – ang pag-oobliga sa SHS-TVL learners na sumailalim sa libreng assessment. Sa pamamagitan nito, layon ni Gatchalian na mapataas ang bilang ng mga mag-aaral na nakakakuha ng sertipikasyon.
“Upang mabigyan natin ang mga senior high school learners sa ilalim ng TVL track ng mas mataas na tsansang makakuha ng magandang trabaho, patuloy nating pagsisikapang mabigyan sila ng libreng assessment para sa kanilang national certification. Maliban sa paglalaan ng pondo, isinulong din natin ang polisiya para maging mandatory sa mga mag-aaral ng TVL sa senior high school ang sumailalim sa assessment,” pahayag ni Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Itinulak ng senador ang paglalaan ng P438.162 milyon sa ilalim ng 2024 national budget para pondohan ang programang libreng assessment at certification ng SHS-TVL learners. Gayunpaman, nananatiling hindi nagagamit ang malaking bahagi ng pondong ito dahil boluntaryo lamang ang pagsali sa programa.
Sa 1,039 SHS-TVL learners na kumuha ng pagsusuri noong nakaraang taon, 926 lamang ang nakakuha ng sertipikasyon. Ang naunang target sa 2024 national budget ay ang mabigyan ng sertipikasyon ang 420,967 graduates para sa Academic Year 2023-2024, ngunit ito ay binaba sa 197,077.
Upang matiyak ang pagpapatuloy ng libreng assessment at certification para sa SHS-TVL learners sa ilalim ng 2025 national budget, nakalaan ang P275.86 milyon para sa programa, bukod pa sa hindi nagamit na pondo mula sa fiscal year 2024. Ang pondo ay nakalagak sa ilalim ng Department of Education (DepEd) budget.
VICKY CERVALES