Target ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan ang panukalang 2025 national budget bago mag-Pasko.
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez, posibleng mapirmahan na ng Pangulo sa susunod na linggo ang panukalang 2025 pambansang budget.
Itinakda ang paglagda sa panukalang 2025 budget sa December 20, 2024 alas-9:00 ng umaga sa Malakanyang bilang tentative date.
Sa bicameral conference committee kahapon ay nasa P6.352 trilyon ang inaprubahang budget para sa susunod na taon, mas mataas ng 10.1% kumpara sa pambansang budget ngayong taon na nasa P5.768 trilyon.
Sinertipikahang urgent ng Pangulo ang 2025 budget bill na nagbigay-daan sa mas mabilis nitong pagpasa.
Ayon kay Senador Grace Poe, chairperson ng committee on finance, nagkasundo na ang Kamara at Senado sa 2025 General Appropriations Bill.
Dagdag pa niya, ang Senado at Kamara ay nagkasundo na itaguyod ang isang badyet kung saan ginagawang prayoridad ang Pilipino.
“Let me now address my fellow countrymen: bawat linya ng budget na ito ay resulta ng ating pakikipaglaban para sa inyo. Ang bawat pondo at programa ay idinisenyo upang tugunan ang inyong pangangailangan,” ani Poe.
“I would like to remind everyone that our job does not end here. Once signed into law, we must ensure that every peso is spent wisely and transparently to guarantee that every Filipino feels its impact,” dagdag pa niya.
LIZA SORIANO