CAVITE – NABULABOG ang mga empleyado ng Speciale Hotel sa Brgy. Tejeros Convention, Rosario kahapon ng madaling araw matapos na mamataan sa harapang bahagi ng kanilang gusali ang isang sawa na gumagapang patawid ng kalsada.
Ang sawa ay may habang 13 talampakan at may timbang na 15.5 kilo.
Sa kuwento ng isa sa mga empleyado ng Speciale Hotel ay nagulat umano sila nang makita ang malaking sawa na gumagapang sa kalsada sa harapang bahagi ng kanilang hotel. Agad daw silang humingi ng tulong sa naka-off duty na bumbero na si SFO1 Herby B Yngreso para i-rescue ang nasabing sawa.
Dahil may karanasan si Yngreso sa paghuli ng sawa ay madali naman itong nahuli at nabusalan ang bibig nito.
Naiturn-over na sa Municipal Enviroment and Natural Resources Office (MENRO) ang naturang sawa.
Ayon kay Engr. Marconi Austria, Rosario MENRO Head na maaaring gutom ang naturang sawa at naghahanap ito ng pagkain dahilan para ito ay lumabas sa kanyang lungga.
Samantala, paniniwala ng mga feng shui ngayong year of the snake na ang paghawak umano sa ahas ay may dalang suwerte sa buhay.
SID SAMANIEGO