2,075 INARESTO SA 46 ARAW NG ELECTION PERIOD

PNP Spokes­person Senior Superintendent Bernard Banac 

CAMP CRAME – UMABOT na sa 2,075 katao ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa loob lamang ng 46 araw sa pagpapairal ng election period na may petsang Enero 13 hanggang Pebrero 27, alas-6 ng umaga hanggang 12 ng hatinggabi.

BATAY sa datos na ibinigay ni PNP Spokesman, Sr. Supt. Bernard Banac, ang pagkaaresto ay mula sa PNP COMELEC Checkpoints na 215,056; Joint AFP-PNP Checkpoints, 14,887; search warrants na 380; warrant of arrest na 28; Police Patrol Response, 1,120 at Oplan BA-KAL/SITA/GALUGAD, 394 kung saan aabot sa 231,865 na police operations.

Pinakamaraming naaresto ay Civilian, 1,962; sinundan ng security guard na 41; 27 sa government/elected official; may 22 pulis ding nadakip; sampu mula sa threat groups; lima mula sa BJMP; tatlo sa AFP; tig-dalawa sa militiamen at private armed groups at isang bombero.

Aabot naman sa 1,692 ang nakumpiska at isinukong maliliit na armas habang kabuuang 13,699 pang nakamamatay na kagamitan kasama ang fire-arms replica, mga patalim at bomba habang nakakumpiska rin ng 12,389 na sari-saring bala.

Panawagan naman ni PNP Chief, Director General Oscar Albayalde na makipagtulungan ang publiko sa awtoridad para makamit ang mapayapa at matagumpay na May 13 midterm elections at sumunod sa omnibus election code.   EUNICE C.

Comments are closed.