MAY 20,000 local at overseas jobs ang naghihintay sa mga aplikante sa Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) job and business fair ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Mandaluyong City, bilang paggunita sa ika-33 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution sa Lunes.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, may 50 participating employers at recruitment agencies ang mag-aalok ng trabaho sa bansa at sa ibayong dagat sa event na idaraos sa 2nd Floor Activity Center ng Starmall, EDSA-Shaw Boulevard.
Sa inisyal na report mula sa Bureau of Local Employment, kabilang sa mga bakanteng tra-baho na iaalok ng local employers ay para sa posisyon ng steelman, production machine operator, production workers, customer service representative, product promodizer, electrician, service crew, merchandiser, finishing mason, at plumbers.
Samantala, inanunsiyo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na may 12,000 job orders mula sa 15 participating recruitment agencies ang available.
Kabilang dito ang posisyon ng laborer, nurse (general), welder, pipefitter, carpenter, technician (electrical/mechanical), foreman, steelfixer, IT engineer, at waitress.
Ang mga bansang pagtatrabahuhan ay ang United States, Malaysia, Brunei Darussalam, Canada, Germany, Australia, Japan, New Zealand, Turks and Caicos Island, Madagascar, Malta, Mauritius, Solomon Islands, South Korea, at Africa.
Pinaalalahanan ni Bello ang mga jobseeker na magdala ng requirements tulad ng resume o curriculum vitae (magdala ng extra copies para sa multiple job applications), 2 x 2 ID pictures, certificate of employment para sa mga dating may trabaho; diploma at/o transcript of records; at authenticated birth certificate.
Ang tema ng event ngayong taon ay ‘EDSA 2019: Pagkakaisa Tungo sa Pambansang Kapayapaan’. PNA