MAGDE-DEPLOY ng mahigit sa 20,000 pulis ang PNP- National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Metro Manila para pangalagaan ang seguridad sa idaraos na 30th Southeast Asian Games (SEAG) sa darating na buwan ng Nobyembre .
Ito ang inihayag ng bagong hirang na PNP- Chief of the Directorial Staff P/Mgen. Guillermo Eleazar.
Nabatid na kabilang ang Metro Manila sa anim na lugar na pagdarausan ng SEA Games.
Ayon sa dating NCRPO, bago ang kanyang promosyon ay pinangunahan na niya ang paglatag ng security preparations para sa idaraos na SEAG.
Sinasabing nakakasa na ang inilatag na security blanket para sa sports venues batay sa resultang isinagawang Security and Survey Inspection (SSI) ng Metro Manila police chiefs at station commanders.
Kabilang sa mga natasang mangalaga sa seguridad ang mga sundalo mula sa Joint Task Force NCR at mga personnel mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Nabatid na may 12 sports venue sa Metro Manila para sa SEA Games ang kailangang tutukan bukod pa sa halos 24 na hotel kung saan manunuluyan ang mga atleta at sports officials na kailangan bantayan ng mga awtoridad.
Kumpiyansa si Eleazar na maibibigay ang seguridad para sa palaro at makakasabay ang NCRPO sa mga adjustments lalo na at nailipat na kay bagong NCRPO police chief Brig. Gen. Debold Sinas ang security preparations.
Ang SEA Games ay gaganapin sa November 30 hanggang December 11. VERLIN RUIZ
Comments are closed.