21-ANYOS TODAS SA SAKSAK NG KA-LIVE IN

LAGUNA- DEAD on arrival sa hospital ang 21- anyos na misis nang pagsasaksakin ng kaniyang live- in partner sa loob ng kanilang bahay sa APH Acacia Park Homes, Barangay Saimsim, Calamba City.

Ang biktima na nalagutan ng hininga sanhi ng tinamong pitong saksak sa iba’t- ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si Andrea Salve Escalante. Agad naman naaresto ang suspek na si John Lester Catambay, 23-anyos at residente rin sa lugar.

Sa masusing imbestigasyon ng tanggapan ni Col. Milany Martirez, Calamba police chief, madalas umanong nag-aaway ang mag- asawa dahil sa pagiging seloso ni Catambay.

Base sa pahayag ni Staff Sergeant Zidney Manglo, imbestigador ng kaso na dakong alas-2 ng hapon nitong Huwebes nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa na naging sanhi para kumuha ng kutsilyo ang suspek at sunod- sunod na inundayan ng saksak ang asawa.

Positibong itinuro ng ina ng biktima si Catambay na siyang sumaksak sa kaniyang anak na humingi pa umano ng tulong habang binubugbog.

Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek subalit agad din naaresto ng mga rumespondeng pulis sa isang hot operation sa Barangay Parian, ng naturang lungsod.
Nakakulong na ang suspek sa Calamba city jail at nahaharap sa kasong homicide. ARMAN CAMBE