21 ARESTADO SA ANTI-CRIMINALITY OPERATIONS

CAVITE – UMAABOT sa 21 katao na may iba’t ibang kaso ang nalambat sa inilatag na anti-criminality operations ng mga operatiba ng Cavite Police Provincial Office sa buong lalawigan kamakalawa.

Base sa police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na 10 suspek sa mga lungsod ng Bacoor, Dasmarinas, bayan ng Naic at Silang ang nasakote sa isinagawang drug bust operations ng pulisya.

Samantala, sa anti-illegal gambling operations naman ay 4 sugarol ang naaresto sa bayan ng Kawit kung saan nasamsam ang isang deck ng playing cards at gambling money na P1,945.00.

Maging ang kampanya laban sa wanted persons ay 5 ang nasakote ng mga operatiba ng CIDG Cavite PFU sa mga kasong robbery; paglabag sa RA 7610; RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000); at kasong Less Serious Physical Injuries.

Sa iba pang kasong kriminal ay 8 naman ang nalambat sa bayan ng Carmona at Bacoor City kung saan ay Robbery Hold-up Resulting in Armed Confrontation.

Siniguro naman ni Cavite Police Director O/Col. Christopher Olazo na nagpapatuloy ang anti-criminality campaign at iba pang illegal activities para sa safety and security ng community. MHAR BASCO