TAWI-TAWI- NA-RESCUE ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao katuwang ang Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking (MIACAT) ang 21 katao na biktima ng human trafficking sa Bongao Pier sa Brgy. Poblacion, Bongao sa nasabing lalawigan.
Sa ulat na isinumite ng Naval Forces Western Mindanao sa tangggapan ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci, nasabat ng kanilang mga tauhan ang isang pump boat na patungong Malaysia na walang kaukulang travel documents at iba pang mga papeles.
Ayon kay Niño Fernando Cunan acting Public Affairs Officer, Naval Forces Western Mindanao sakay ng nasabing pump boat ang mga undocumented Filipino na posibleng ibinenta o pagtatrabahuhin sa Malaysia.
Ani Cunan, pinangakuan ang mga na-rescue ng trabaho sa Malaysia at pagkarating umano nila roon ay may sasalubong sa kanilang alyas Winda.
Agad namang nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad dahilan para muling makasagip ng walong indibidwal na biktima rin ng human trafficking sakay ng MV Ever Queen of Asia sa Bongao Pier at patungo ng Kota Kinabalu, Malaysia.
Samantala, ang mga nasagip ay kasalukuyan nang sumasailalim sa profiling and documentation ng MIACAT-Tawi-Tawi at naiturn over na sa Ministry of Social Services and Development sa Bongao.
VERLIN RUIZ