BULACAN- MULA sa 14 na kaso ng mga naputukan na nagsimula nito lamang Disyembre 21, nadagdagan na ito ng 6 na nagtamo ng minor injuries kabilang ang 12-anyos habang isa naman ang nagkaroon ng pinsala sa mata makaraang masabugan ng malakas na uri ng paputok.
Sa inisyal na report ng Command Center ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office,(PDRRMO) una nang nakapagtala ng 14 na kaso ng naputukan mula sa Bulacan Medical Center sa Malolos City at iba pang District Hospital sa probinsiya.
Ganap na alas-12 ng hating gabi nang isugod sa pagamutan ang 12-anyos na lalaki na nagtamo ng minor injuries mula sa pagsabog ng Sinturon ni Judas sa Brgy. Bungahan, Malolos habang 5 naman na nasa hustong gulang ang tinamaan ng blasting Bomb shell at 5-star.
Nagtamo naman ng matinding pinsala sa kaliwang bahagi ng mata si Rommel Fluresca, 43-anyos na nasabugan ng paputok na Pla-pla sa Brgy, Sto. Niño sa bayan ng Candaba, Pampanga.
Nakapagtala rin ng isang kaso ng pananaga ang naturang pagamutan.
Kinilala naman ang biktima na si Ronerex Buban, 30-anyos, residente ng pabahay sa Brgy. Catacte, Bustos sa lalawigang ito.
Ayon sa kapatid ng biktima ipinagtangol lamang nito ang kanyang kuya na tinaga ng kapitbahay ganap na alas-12:30 ng hatinggabi kung saan ginawang panangga ang kanan bahagi ng kamay.
Nabatid na karamihan ng dinala sa nabangit na pagamutan ay aksidente sa motorsiklo na karaniwan ay banggaan at self accident. THONY ARCENAL