21 CARDINAL ITINALAGA NI POPE FRANCIS

ITINALAGA nitong Setyembrw 30 ng Pope Francis ang 21 bagong Cardinal sa consistory sa Vatican.

Ayon kay Fr. Gregory Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filippino ang mga hinihirang na kardinal ay karaniwang mga arsobispo sa malaking bayan, o archdiocese.

Hulyo ng kasalukuyang taon nang i-anunsyo ni Pope Francis ang pagsasagawa ng consistory para sa paglikha ng mga bagong prinsipe ng simbahan kung saan 18 sa mga itinalaga ay mga voting cardinals o wala pang 80-anyos.

Ito na ang ika-siyam na consistory na isinagawa ni Pope Francis simula ng mahalal bilang Santo Papa noong 2013.

Ayon kay Fr. Gaston, inanyayahan din ng Santo Papa Francisco ang lahat ng cardinal ng simbahan sa buong mundo.

Ang Pilipinas ay may dalawang aktibong cardinal kabilang na si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at Pro-prefect ng Dicastery for Evangelization na si Cardinal Luis Antonio Tagle na dati ring naging arsobispo ng Maynila.

Bukod kay kina Cardinal Tagle at Cardinal Advincula, may dalawa pang kardinal ang bansa na sina Manila Archbishop-emeritus Gaudencio Cardinal Rosales, at Cagayan de Oro Archbishop-emeritus Orlando Cardinal Quevedo.

Si Cardinal Advincula ang pinakahuling Filipinong Cardinal na itinalaga ni Pope Francis noong 2020.
PAUL ROLDAN